PARA sa isang batikang political analyst, magiging batayan ng mga botanteng Filipino sa pagpili ng susunod na lider ng bansa ang husay – kung mayroon man – sa pagtugon sa hamon ng pandemya.
Kaya naman lubos ang paniwala ng batikang political analyst na si Mon Casiple na hindi papabor sa administrasyon ang magiging resulta ng halalan sa Mayo ng susunod na taon.
Aniya, likas sa mga Filipino ang pagiging mapanuri. Bukod pa rito, hindi rin kagyat na makalimot ang mga ito lalo pa’t hindi madali ang pinagdadaanan ng mamamayang magpahanggang ngayon ay dumadaing ng saklolo mula sa mga opisyal ng gobyerno.
Paliwanag pa ni Casiple, kung mayroon mang pag-aalayan ng boto ang mga botante, ito yaong mga nakapaghatid ng tulong sa kanila sa gitna ng mahigpit na pangangailangan. Inaasahan naman ang pagbasura sa mga politikong lagpak sa pamantayan ng isang mahusay na pandemic response.
Kumpiyansa rin si Casiple na hinog na ang mga botante sa aniya’y principled politics, o yaong hindi kumbinsido sa nakagawiang pangako na kalaunan ay napapako.
“Hindi na yung mga pangako sa tingin ko ang magdadala sa campaign. Nasawa na ang tao sa pangako, ngayong 2022 elections ay titignan ng mga botante kung sino yung aktibong tumulong at nasa forefront sa dalawang taong nasa pandemic ang bansa,” ani Casiple.
Bagamat walang partikular na pangalang tinukoy, nagpasaring si Casiple sa mga nakapwestong politikong aniya’y tila kabado na sa nalalapit na 2022 general elections, dahil batid din umano nilang bigo silang tugunan ang paglaganap ng sakit sa kanila mismong balwarte habang nag-iikot na tila ba nangangampanya na sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa kabilang banda,hindi aniya magiging mahirap ang pangangampanya sa mga politikong nagpakita ng sigasig at kagalingan sa pagtugon sa pandemya.
Bukod sa mga nag-aasam na maging Pangulo, sukatan din ng botante ang local pandemic response sa pagpili ng gobernador at alkalde.
Una nang inulan ng batikos ang pinaniniwalaang pambato ng administrasyon na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bunsod ng kabiguan nitong tugunan ng angkop ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa lungsod na kanyang pinamumunuan.
Sapul din ang batang Duterte sa umano’y pag-iikot sa iba’t ibang lalawigan at lungsod habang ang Davao City ay dumaranas ng hirap dahil sa pagdami ng mga tinamaan ng nakamamatay na sakit sa kanyang balwarte.
Sa datos ng Department of Health (DOH), lumalabas na pinakamataas ang kaso ng nakamamatay na sakit sa Davao City – higit pa sa bilang ng mga pasyenteng naitala sa mga lungsod ng Metro Manila.
Sinegundahan naman ni Victor Andres Manhit, pangulo ng Albert del Rosario Institute for Strategic and International Studies ang pananaw ni Casiple. Aniya, ang dinaranas na kahirapan, gutom, kawalang trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin at pandemya ang magdidikta sa kalalabasan ng halalan.
Iginiit naman ni Michael Henry Yusingco ng Ateneo de Manila University Policy Center na ang pandemic response ng administrasyon ang magpapabagsak sa popularidad ni Pangulong Duterte – at maging ng kandidatong babasbasan nito.
Sa survey ng Pulse Asia Research noong Hunyo, lumilitaw na 9 sa bawat 10 Pinoy ang nagsabing bagsak ang administrasyong Duterte pagdating sa COVID response. Kabilang sa naging batayan ng respondents sa nasabing survey ang kapos na ayuda, mabagal na vaccine rollout, hindi maayos na pagpapatupad ng health protocols at kawalan ng trabaho. (FERNAN ANGELES)
