LIMANG medical teams ang nakatakdang i-deploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa iba’t ibang pasilidad bilang dagdag pwersa sa numinipis na bilang ng mga healthcare workers sa mga pagamutan sa Metro Manila.
Ayon kay AFP public information officer Navy Captain Jonathan Zata, layon nilang tumulong sa pagtugon sa lumolobong kaso ng nakamamatay na COVID-19.
Aniya, dalawang team ang huhugutin mula sa Philippine Army (PA), at tig-isa mula sa AFP Health Services Command, Philippine Navy (PN) at Philippine Air Force (PAF). Sa bawat team, magpapadala aniya sila ng isang doktor, isang nurse, at tatlong aidmen.
Gayunpaman, ipapaubaya na nila aniya sa Inter-Agency Task Force against COVID-19 ang desisyon kung saan medical facility sa Metro Manila ipadadala ang bawat team ng kanilang medical corps.
Paliwanag pa ng tagapagsalita, ang gagawing deployment ay kahawig sa inilunsad na medical mission ng AFP sa Cebu at Davao nuong 2020.
Bukod pa aniya ito sa mga una nang ipinadalang medical frontline workers sa mega-swabbing at quarantine facilities sa Metro Manila.
Kaugnay nito, pinapaspasan na rin ani Zata ang pagpo-proseso ng appointments para sa mga bagong pasok na military doctors at nurses para mapalakas ang kakayahan ng kanilang medical corps. (JESSE KABEL)
233 