MARAMING mga kababayan natin ang namatay sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Kaya sana lang magkaisa na ang mga lider ng ating pamahalaan at maging ang mga pulitiko anuman ang kulay nila sa pulitika.
Sa panahon ngayon, totoong walang pinipili na mabibiktima ang COVID-19.
Narito ka man sa Pilipinas o nasa ibang bansa, mayaman ka man o mahirap ay maaari kang tamaan ng nakamamatay na sakit.
Pero higit pa rin na nakalalamang ang mayayaman kumpara sa mahirap dahil sa dami ng kanilang pera, kahit hindi sila lumabas ng bahay para magtrabaho ay makakakain sila.
Magpadeliber lang sila ng mga pagkain mula sa mga kilalang restaurant kakain na ang kanilang pamilya.
Ang pamilyang mahirap, kailangan pa nilang magbanat ng buto at kung minalas-malas ay nawalan pa ng trabaho dahil nagsara ang kumpanya na pinapasukan nila.
Wala ring naipon na pera ang pamilyang mahirap dahil sa pagkain pa lang kapus na ang kanilang kinikita.
Hindi katulad ng mayaman kahit isang taon pa sila hindi magtrabaho hindi pa rin sila mawawalan ng pambili ng pagkain.
Sa panahon ng krisis ang mahihirap ang tiyak na unang naaapektuhan dahil sa kakapusan nila ng pera. Tulad nitong krisis sa COVID-19.
Nagsimula ito noong buwan pa ng Marso.
Ngayon ay pumasok na ang tinatawag na BER months kaya nagsimula na ang kapaskuhan sa bayan ni Juan.
Dahil umpisa na ang BER months, medyo nakakahinga na sana ang mamamayan pero baliktad. Mukhang paskong tuyo ang sasapitin ng lahi ni Juan sa Disyembre.
Inaasahan ng taumbayan ngayong may pandemya ay dapat nagtutulungan ang mga pulitiko at mga opisyal ng gobyerno. Pero sa halip na magtulong-tulong at magkaisa ay bangayan dito at bangayan doon ang nangyayari sa kanila.
Paano tayo pagkakalooban ng grasya ng Panginoon kung puro bangayan ang nangyayari? Imbes na magkapit-bisig sila para maresolba ang mga problema, ngayon ay nagbabatuhan pa ng mga akusasyon laban sa isat-isa.
Simple lang naman ang gagawin ng mga pulitiko kung gusto talaga nilang sundin ang kanilang pinangako noong nangangapamya pa sila. Tuparin lang nila ang mga pangako at alisin muna ang labis na pamumulitka tutal ang susunod na eleksyon ay sa 2022 pa.
Kung makikita ng taumbayan na may malasakit kayo sa kanila o sa amin siguradong mananalo pa rin kayo sa eleksyon. Ang totoo, mas maganda na ngayong pandemya kayo magpakita ng malasakit sa taumbayan dahil hindi kayo mapupulaan na namumulitika.
Kesa wala kayong ginagawa kundi PUNAhin o siraan ang sinuman na gumagawa ng tama oposisyon man o administrasyon.
Hindi nyo rin dapat ipangalandakan na kayo ay tumutulong dahil kaya kayo ibinoto ay para magsilbi at hindi maging bida.
Dapat ang bida ay ang taumbayan na naglagay sa inyo sa inyong mga kinalalagyan ngayon. Ika nga, ‘public office is a public trust’. Dapat maging mga katiwa-tiwala kayo sa tingin ng sambayanan.
Dun sa mga hindi nakakatulong sa pribado man o nasa pampublikong opisina o ordinaryong tao tumigil na kayo. Kundi kayo nakakatulong sana hindi rin kayo maging problema.
Nakakasama lang din ng loob dun sa mga opisyal ng gobyerno at politiko na sila sana ang inaasahan na tumulong ngayong may pandemya nagagawa pa nilang mangurap sa pondo ng gobyerno.
Wala ba kayong mga kunsensiya? Bahala na sa inyo si LORD.
oOo
Para sa suhestiyon ay reaksyon magemail joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
140
