SA wakas, mayroon na ring panukalang batas na inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso upang tumaas ang sahod at mga kaakibat na benepisyo ng mga nars sa pribadong mga ospital.
Mabuti na lang, mayroon ding mga mambabatas sa mababang kapulungan na nakapansin sa napakababang sahod ng mga nars sa mga pribadong ospital.
Ang naunang batas tungkol sa pagtaas ng sahod at mga benepisyo ng mga nars ay pokus lang doon sa empleyado ng mga pagamutang pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan.
Napakatagal na ng batas na ito, ngunit ngayong taon pa lang ipatutupad makaraang magdesisyon ang Korte Suprema nitong bahagi ng 2019 na “nakabatay” sa Konstitusyon ang umento sa sahod ng mga nars na mahigit P31,000 kada buwan.
Uulitin ko, hindi kasama ang mga nars sa pribadong ospital sa umiiral nang batas.
Kaya, kawawa at talo ang mga nars sa pribadong pagamutan.
Tulad ng mga nars sa mga ospital ng pamahalaan, matagal na ring puti ang kanilang yuniporme, ngunit ganito rin katagal na ‘maitim’ at ‘kalunus-lunos ang kanilang buhay dahil sa mababang sahod at mga benepisyo.
Kahit mababa ang sahod at mga benepisyo, itinuloy at pinasok ng marami nating mga kababayan ang prospesyon ng pagiging nars dahil kumbinsido silang sa ganitong trabaho sila makapaglilingkod sa kapwa nila Filipino.
Nabalitaan at nabasa ko ang balita na naghain ng House Bill No. 7569, o “Minimum Wage for Nurses in the Private Sector Act of 2020” sina Davao City Representative at House Deputy Speaker
Paolo Duterte, Davao Occidental Rep. Claudine Diana Bautista at ACT- CIS party-list Rep. Eric Go Yap.
Pabor ako rito dahil mismong anak ko ay kumukuha ng Nursing program.
Tapos nars din ang kapatid ko at bayaw ko.
Ang mommy ko nga ay retiradong nars.
Kaya, gusto ko ang panukalang batas nina Duterte, Bautista at Go dahil napakahalaga ito sa akin.
Nakasaad sa H.B. 7569, na inaatasan ang Department of Labor (DOLE) at National Wages and Productivity Commission (NWPC) na makipag-usap sa Department of Health (DOH), Philippine
Nursing Association (PNA) at iba pang mga institusyon at organisasyon upang magbalangkas hinggil sa pagtaas ng suweldo ng mga nars at iba pang “health workers” na nagtatrabaho sa mga pribadong ospital.
Tinukoy sa H.B. 7569 na kinakailangang kasama sa mga dapat mapagkasunduan ng nasabing institusyon at organisasyon ang “minimum wage” sa mga nars at iba pang mga benepisyo katulad ng cost of living allowance (COLA).
Sabi ni Rep. Yap, masyado nang malayo ang agwat ng buwanang mga nars sa pagitan ng mga pribadong pagamutan at ang mga nars sa mga pampublikong ospital, samantalang pareho namang mahalaga ang ginagampanan nilang papel, gawain, tungkulin at obligasyon sa mga pasyente, katulad ngayong panahong mayroong pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa pag-aaral, nadiskubre na umaabot lang sa P9,757 ang buwanang sahod ng mga nars sa pribadong ospital, samantalang umaabot ng P19,845 hanggang P30,531 ang buwanang suweldo ng mga nars sa mga pagamutang kontrolado at pinanganasiwaan ng pamahalaan.
Idiniin ni Yap na kailangang magkaroon ng konsultasyon ang lahat ng apektadong sektor sa pangunguna ng DOLE at NWPC upang matiyak na ang minimum na sahod bawat buwan ng mga nars sa mga pribadong ospital ay makasasapat sa kanilang batayang pangangailangan.
Syempre, dapat magbibigay ng dignidad ang kanilang sahod sa napili at minahal nilang propesyon.
Binanggit ni Yap na naniniwala rin siyang may “puso” at “malasakit” para sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa ang mga may-ari ng mga pribadong ospital.
Wala namang “nalulugi” sa panahong ito dahil marami ang nagpupunta ngayon sa mga ospital para magpagamot, patuloy ni Yap.
Malinaw ding nakasaad sa panukalang batas na mayroong parusang P100,000 hanggang P1,000,000 sa bawat paglabag na gagawin ng alinmang ospital sa mga probisyon ng panukala, kapag maging ganap na itong batas.
Nararapat lang mabilis na talakayin at ipasa ng Kamara de Representantes ang H.B. 7569 sapagkat ang panalo rito ay ang mga nars sa pribadong ospital.
92