SA pormal na pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nominasyon para tumakbong bise-presidente sa pagsapit ng 2022 presidential derby, ganap nang nag-umpisa ang panahon ng pulitika, na tila isang mahusay na taktikang layon ay tabunan ang mga eskandalong kinasasangkutan ng mga tiwali sa bakuran mismo ng administrasyon.
Hindi dapat mawaglit sa kumpas ng pulitika ang mahabang talaan ng mga problemang dapat ay pinagtutuunan muna bago pa isipin ang tangkang pananatili sa poder — ang pandemya, gutom, bagsak na ekonomiya, kawalan ng hanapbuhay at ang walang habas na nakawan sa gobyerno.
Hindi rin dapat matulad ito sa mga nakaraang kontrobersiyang nabaon lang sa limot gamit ang subok na mabisang formula – gimik na sadyang ginawa para libangin ang sambayanang patuloy na nagdurusa.
Lalong hindi pwedeng isantabi ang hangad ng taong malaman ang katotohanan, kesehodang sino pa ang tamaan. Sa pagpapatuloy ng mga pagdinig ng Kongreso, lumalabas kasing karamihan ng mga sangkot ay malapit sa Palasyo.
Ang siste, tila hindi kumportable ang Pangulo. Kaya naman tugon ng mga alipores, usapang pulitikang patok sa panlasang Pilipino. Siya nga naman, sa pagkakalingat ng bayan, mabilis na ikinubli ang mga tuta sa takot na baka sila’y kumanta at mabunyag ang boss ng sindikato nila.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado, nagbanta ang Pangulo. Aniya, tantanan ang mga bata niya. Kasi raw pakay lang ng mga senador ay magpakitang gilas sa masa, sukdulang sila’y ipahiya.
Subalit hindi nagpatinag ang Senado, tuloy ang imbestigasyon, sabi ng mga ito.
Pero teka, paano na ngayon kung ang ipinatawag nila dinedma lang sila? Hindi sinipot ni dating Presidential Adviser Michael Yang ang patawag ng Senado. Si Yang pa naman ang pinaniniwalaang may sapat na kaalaman hinggil sa bulilyaso.
Siya kasi ang itinuturong tulay ng mga wanted na Tsino sa likod ng kumpanyang nanggoyo kasabwat ang mga tiwali sa gobyerno.
Kaya naman ang tugon ng Senado, isang mandamiento de arresto laban kay Yang sa kabiguan nitong siputin ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee, kaugnay ng maanomalyang procurement deal na pinasok ng gobyerno sa isang kumpanyang pinaniniwalaang kontrolado nito.
Base sa mga dokumentong mula mismo sa gobyerno, hindi biro ang halagang pumasok sa Pharmally Pharmaceutical Company. Mantakin mo nga naman, isang kumpanyang bagito, nahagip ang kontratang sampung bilyong piso para sa medical supplies na dispalinghado.
Bukod kay Yang, missing in action din ang corporate executives na Tsino ng kumpanyang napag-alamang ‘di naman pala kwalipikado kasi naman wala pang isang milyon ang kapital nito.
Sayang! Si Yang pa naman ang pinaniniwalaang sagot sa palaisipan kaugnay ng sindikato kung saan bida ang tatlong itlog na mas kilala bilang Yang-Lao-Go!
168
