HINILING ng isang batikang abogado sa Korte Suprema na tanggalin si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa Senado, sapagkat “ilegal ang kanyang paglahok sa eleksyon para sa pagkasenador nitong 2019.”
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio sa kanyang petition for certiorari sa Supreme Court (SC), dapat ipagwalang bisa ang mismong desisyon ng Commission on Election (Comelec) na bigyan siya ng “certificate of candidacy” para sa halalang Mayo 13.
Pinagdiinan ni Topacio ang certificate of candidacy sapagkat ito ang “batayang legal” ni Pimentel upang walang kuwestyon at pagdududa sa legalidad ng pagtakbo ng huli sa ikatlong pagkakataon.
Ayon sa Comelec, tinanggap at pinayagan nito ang petisyon ng senador na tumakbo sa halalan sa pagkasenador kahit na dalawang magkasunod na termino siyang nanalo at nagsilbing senador, sapagkat hindi naman niya nakumpleto ang unang termino.
Ang tinutukoy ng Comelec ay ang panalo ni Pimentel noong eleksyong 2007 kung saan 2011 nang magsimula na manungkulan sa Senado bunga ng dayaang naganap sa halalang pinakinabangan ni Sen. Miguel Zubiri.
Kinilala at tinanggap ni Zubiri ang desisyon ng Comelec na natalo siya sa halalan noong 2007.
Iginiit ni Topacio sa kanyang petisyon na ang krimeng nagawa ni Pimentel ay “misrepresentation” nang maghain siya ng kandidatura para sa halalang 2019 dahil dalawang “magkasunod” (consecutive) na siyang nanalong senador.
Nilinaw pa ng abogado sa labinlimang (15) mahistrado ng pinakamataas na korte ng bansa na dalawang magkasunod na termino lang ang maximum na haba ng pagiging senador.
Ang argumentong ni Topacio ay nakabatay sa paliwanag ng Konstitusyong 1987.
Ang pagtakbo at pagkapanalo ni Pimentel nitong halalang Mayo 13, 2019 ay ikatlong magkakasunod na panalo ng senador mula Cagayan de Oro City, banggit ni Topacio.
Ayon pa kay Topacio, krimen ang desisyon ng Comelec na pumabor kay Pimentel kaya naman hiniling nito sa SC na ideklarang “null” ang dokumento ng partisipasyon ni Pimentel sa eleksyon.
Kapag nakumbinsi ang mga mahistrado sa mga argumento ni Topacio, obligado si Pimentel, pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na iwanan ang Senado. Nelson Padilla
231 