WALANG kagatul-gatol na pinatotohanan ng isang immigration officer ang nagaganap na “pastillas” system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ginagamit ng sindikato sa Bureau of Immigration (BI) sa paghakot ng multi-milyong padulas mula sa mga Chinese kapalit ng visa upon entry at walang sagabal na pagpasok sa bansa.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on women, youth and gender equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros, sinabi ni Allison “Alex” Chiong, immigration officer sa NAIA na personal niyang nakikita ang sinasabing “pastillas” system sa BI.
“My primary function as an immigration officer involves operating the counter in the Ninoy Aquino International Airport (NAIA) wherein I am tasked to examine the travel documents of departing and arriving passengers rotating in its three terminals,” ayon kay Chiong sa kanyang opening statement.
“As a frontline immigration officer, I have personally witnessed various illegal transactions over the years involving the extortion of money in exchange for unimpeded passage through the Philippines whether leaving or entering our country,” paliwanag nito.
Nauna nang inilantad ni Hontiveros ang sinasabinbg “pastillas” system sa airport na ginamit ng BI personnel upang humatak ng P10,000 lagay mula sa dumarating na Chinese kapalit nang walang sagabal na pagpasok sa bansa.
Iniimbestigahan ni Hontiveros ang link ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa prostitution, human trafficking, illegal gambling at kidnapping na sangkot ang mga dayuhang Chinese.
Sinabi ni Chiong, lumantad siya upang ibahagi ang kanyang nalalaman sa malawakang korapsiyon sa NAIA.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Hontiveros ang Department of Justice, BI at Palasyo sa madaliang pagkilos laban sa korapsiyon sa NAIA. Ngunit sinabi ni Hontiveros na marami pang dapat gawin at hindi na makapaghihintay ng isang linggo dahil nanganganib ang buhay ni Chiong matapos makatanggap ito ng death threats.
“We were ready to wait another week before resuming the hearing, but I was troubled by news that our informant’s life was in danger,” ayon sa senadora.
“This was Monday afternoon, only hours after the hearing. Nagpasya ang aming informant na lumantad sa harap ninyong lahat ngayon – walang disguise, walang cover – para patotohanan ang ebidensya at magsabi ng katotohanan. Our witness today is willing and able to name names,” dagdag ni Hontiveros.
SInabi pa ng senadora na “Mas malaki ang kinikita ng mga protector at supplier. Milyones buwan-buwan ang natatanggap nila mula sa mga Chinese. May mga padrino talaga itong mga daan-daang illegal na POGO operation na nagdadala ng krimen, trafficking, at prostitution sa bansa. Yun ang dapat nating tukuyin at panagutin sa batas.”
“I know that this is only the tip of the iceberg. P10,000 ang binabayaran ng Chinese national na grease money, pero P2,000 lang ang pinaghahati-hatian sa airport bilang pastillas. Asaan ang P8,000 at sino ang naambunan nito? Ang saklaw ng kaalaman ng ating informant ay NAIA terminals lang. Paano ang ibang international airports kagaya ng sa Clark, sa Cebu, sa Kalibo, sa Davao?,” giit ng senador.
“But it has to start somewhere. And today it starts with one young man ready to tell his story,” patapos niya. Estong Reyes
314 