HINDI lamang apat sa limang governors ng lalawigang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nagpahayag ng suporta sa tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte kundi pati ang libo-libong datu sa buong rehiyon.
Ani Sultan Kudarat Gov. Suharto Mangudadatu, marami nang mga datu ang kumikilos ngayon para tiyakin ang panalo ng BBM-Sara UniTeam.
Ayon kay Mangudadatu, malaking bagay ang mga datu dahil lahat ng mga kapatid na Muslim ay nakikinig at iginagalang sila.
Kahit aniya ang Muslim extremists, kapag sinabi ng mga datu sa kani-kanilang lugar at angkan ay napapasunod sila.
“Maraming royal families ang suportado ang BBM-Sara. Bukod sa aming mga governors, malaking bagay ito sa mga kandidato dahil iginagalang at sinusunod namin ang aming mga datu,” ani Mangudadatu.
Kahit si Sulu Gov. Abdusakur Tan ng BARMM ay tiwalang hindi makapanggugulo ang Muslim extremists sa inaabangang May 9 national and local elections. “Maraming sundalo at hindi kami makapapayag na manggulo sila,” ani Tan.
Si Tan, kasama sina Tawi-Tawi Gov. Ysmael Sali, Maguindanao Gov. Mariam Mangudadatu at Lanao del Sur Gov. Mamintal ‘Bombit’ Alonto Adiong, Jr., ay sama-samang naghayag ng suporta sa BBM-Sara UniTeam nitong nakalipas na Biyernes.
Kasama ng mga governor na naghayag ng suporta sa Marcos-Duterte tandem ang kani-kanilang mga mayors at traditional leaders sa isang simpleng seremonya sa Manila Hotel.
“We the governors, mayors, and traditional leaders of BARMM, commit ourselves to fervently, strongly, and firmly support the unifying leadership and candidacy of Marcos for the position of president of the Republic of the Philippines, and Duterte for the position of vice-president of the Republic of the Philippines,” nakasaad sa pledge of commitment na pinirmahan ng mga ito kasama si Marcos.
“We commit to protect the will of the people and safeguard the victory of Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., and mayor Inday Sara Duterte as president and vice-president of the Republic of the Philippines,” anila pa.
Ayon kay Gov. Tan, 80 porsyento ng kulang sa dalawang milyong registered voters ang tinitiyak nilang makukuha ang suporta sa May 9 elections nina Marcos at Duterte.
Aniya pa, kung nakuhang mandaya ng kampo ni Leni Robredo nang maglaban sila ni Marcos para bise-presidente noong 2016 national elections, hindi na mangyayari ito ngayon dahil apat sa limang governors ng BARMM ay hayagan ang pagsuporta sa UniTeam.
“Sa aking probinsiya lang nanalo si BBM noong 2016 dahil nandaya si Leni sa ibang probinsiya. Pero hindi na sila makapandadaya ngayon at sinisiguro namin iyan, kahit itanong n’yo pa kay Bombit (Gov. Adiong),” sabi pa ni Tan.
129