PANANAGUTAN

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO 

MUKHANG bagong normal na itong nararanasan natin na kapag umulan nang malakas, siguradong magkakaroon ng matinding pagbaha. At kung dati, hindi naman basta-basta binabaha kung kaunti o sandali lamang ang ulan, parang ngayon hindi na konsiderasyon ito. Kaya siguro mas matindi ang pagkadismaya ng marami sa patuloy pa rin na usapin tungkol sa mga kinurakot na flood control projects.

Ang nagakagalit kasi, may solusyon naman sana ang problema. Hindi naman kulang ang pondo dahil bilyun-bilyon ang inilalaan ng pamahalaan para sa mga proyektong pinakikinabangan natin dapat. Kaso nga lang, napangibabawan ng korupsyon — may mga proyektong hindi man lang nagawa, at yung iba substandard naman.

Bukod pa riyan, napakarami sa pamahalaan na akala mo galit na galit sa korupsyon, pero sila mismo ay kasama naman sa nakasusukang sistemang yan. Ang kakapal ng mukha. Oo, pati mga kontraktor, pero hindi naman nila maitatawid ‘yang matinding korupsyon na ‘yan kung maayos at malinis talaga ang pamahalaan sa bansang ito.

Hindi man lang naiisip nung ibang mga nakaupo sa pwesto at nung mga inihalal mismo ng mga Pilipino na napakaraming apektado ng kapalpakan ng imprastraktura. May namamatay dahil sa pagbaha, may nawawalan ng kabuhayan. Habang sila, nagpapakasasa sa perang hindi naman dapat sa kanila napupunta.

Sa ngayon, mainit pa ang usapin at malakas pa ang panawagan na managot ang mga may kinalaman sa problema at isyung kinahaharap natin ngayon. Mayroon pa nga riyan, ginagamit mismo itong isyu sa flood control projects para magpasikat at para sa politika. Siyempre ang dami nilang naloloko, pero kung iisipin mo, talagang wala nang konsensya ang mga ‘yan. Para sa kanila, sundin lang ang script. Magpakuha ng larawan, mag-post sa social media, umastang may pakialam.

Pero hanggang kailan tayo galit? Ilang linggo pa bago natin makalimutan ang nangyayaring ito at mag-move on dahil naiisip natin minsan na wala naman na talaga tayong magagawa.

Pagkatapos ng ingay na ito, kung walang mananagot, babalik at babalik lang tayo sa parehong eksena.

Dapat hindi tayo tumigil dahil kung talagang seryoso ang gobyerno, dapat may regular na ulat tungkol sa flood-control projects at sa mga iniimbestigahan ngayon. Sana hindi lang matapos sa diskusyon at mga hearing. Sana magkaroon talaga ng maayos na solusyon sa problemang ito.

Hindi dapat matapos ang usapan hangga’t walang resolusyon. Hindi dapat mawala ang ingay hanggang may malinaw na pagbabago. Talo na nga tayo dahil sa napakatinding korupsyon sa bansa at kung tatahimik tayo, mananatili tayong talo.

413

Related posts

Leave a Comment