‘WAG MAKUHA SA SORRY NG MGA SABLAY SA GOBYERNO

Clickbait ni Jo Barlizo

PINAKAMAHIRAP na kataga ang sorry. ‘Di nga?

Sa tipikal na takbo ng buhay, madalas marinig ang paghingi ng paumanhin, ng pasensya o tawad sa nagawang kasalanan, pagkakamali, pananakit sa anyong pisikal, emosyonal at tabas ng dila.

Pero, ginagasgas na ata ang katagang ito, at ginagawang dahilan upang makaiwas pa sa gusot at pagiging tampulan ng mainit na parunggit.

Teka, sumasakay rin sa sorry ang mga politiko at mambabatas.

Kasi ba naman, magbibintang, gagawa ng hindi tama pero kakambyo ng sorry kapag ang kaepalan ay nag-brouhaha.

Tama nga namang mag-sorry kung sinsero pero kung pabalat bunga lang ay huwag na.

‘Yang paghingi ng paumanhin ay wagas na pagpapahayag ng pagsisisi sa maling ginawa. Dapat ito ay magsisilbing daan para maplantsa ang gulo at malinis ang pagkatao ng inupakan, ininsulto, minaliit o anopamang hindi kanais-nais na ibinato.

Dapat, taus-puso ang paghingi ng paumanhin. Sinasamahan ng pagbabago at handang tanggapin ang pagkakamali.

May ilang politiko na ngangawa pero kapag nasita ay sorry ang ikakasa.

Aba, ginagawang palusot ang salita.

Ang mga naturingang serbidor ng publiko ay nararapat na mag-isip nang ilang ulit bago gumawa ng mali.

Hindi dahil may salitang sorry ay pwede nang padalos-dalos. At huwag ding makampante sa pagiging mabait at malilimutin ng mga Pinoy. Sabi nga, nauubos din ang pasensya.

Huwag gumawa ng kabulastugan at pagkaraan magpapaawa.

Walang kabusugan sa pagnanakaw at kapag hinahabol na ng taumbayan biglang uusbong ang mga sakit.

Hindi pamalit sa hustisyang dapat makamtan ng publiko ang paghingi ng paumanhin.

Sa mga nasa itaas, huwag sana nilang sanayin ang dila sa sorry na.

Pinakamahirap na kataga ang sorry. Naku, sa kanta lang ata ‘yan.

Ang siguradong mahirap ay kapag nasagad na ang pasensya at nagmamarakulyo na ang mga tao.

o0o

Eto isa sa pinakamahirap gawin – ibaba ang 12 percent value-added tax sa diyes porsyento.

Oo na, makatitipid ang mga mamimili, at mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng bilihin, ngunit, bawas naman ang lukbutan ng pamahalaan, este ng bayan.

Tumaas ang koleksyon ng gobyerno dahil sa EVAT, at tumaas din ang presyo ng bilihin.

Kaso, ginagamit ba sa maayos ang buwis?

Dapat, maayos at mabuti ang health system at libre ang edukasyon dahil mapera ang bansa.

Kaso, tumaas lang ang buwis, naglalaway pa rin ang karamihan sa mga benepisyo, pano ibinulsa lang ng mga buwaya.

Ayon nga sa isang meme na nakita ko sa social media ngayong araw, nakasulat ito sa likod ng isang rider: “Kayod pa mga tropa, kulang pa luxury cars ng mga PU…. INA!”

Sorry, pansin ko lang ‘to.

24

Related posts

Leave a Comment