Pangalan ni Atty. Rodriguez gamit sa panloloko LADY CON ARTIST ARESTADO SA NBI

INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng nag-solicit ng pera, gamit ang pangalan ni Atty. Vic D. Rodriguez, ang chief of staff ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Modus operandi umano ng suspek at ng kanyang mga ka-grupo na manghingi ng tulong gamit ang pekeng FB account ni Rodriguez upang ibigay umanong tulong sa mga biktima ng bagyong Agaton.

Sa report ni Atty. Jerome Bomediano, hepe ng Special Action Unit (SAU), kay NBI officer-in-charge Director Eric Distor, kinilala ang suspek na si Caseilyn dela Cruz Cardenas, 31, naninirahan sa 1018 Morales St., Lolomboy, Bocaue, Bulacan.

Nadakip ang suspek base sa reklamong isinampa nina Atty. Rodriguez at Arsenio Boy Evangelista ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Nabatid na Abril 18 nang maghain ng reklamo si Rodriguez sa NBI upang paimbestigahan ang nakarating sa kanyang impormasyon na may ilang indibidwal ang gumagamit ng kanyang pekeng Facebook account para lamang magsolicit ng pera sa mayayamang negosyante.

Sinabi ni Executive Officer for Administration Kristine dela Cruz, ng NBI-SAU, base sa kanilang imbestigasyon, si Cardenas ang tumatanggap ng pera mula sa iligal na pagso-solicit gamit ang pangalan ni Rodriguez.

Ang modus-operandi umano ng grupo ay tumatawag o magpapadala ng message sa ilang mayayamang businessman saka manghihingi ng donasyon para umano sa relief operation ng BBM camp sa mga biktima ng bagyong Agaton.

Sinabi ni Rodriguez na marami nang kaibigan ang tumawag sa kanya hinggil sa ganitong uri ng pagsosolicit at isa sa nagbigay sa kanya ng impormasyon ay si Evangelista.

Diumano, ang hinihingi ng grupo ni Cardenas ay P120,000 bilang ‘shipping fee’ sa delivery ng tone-toneladang bigas.

Ipinadadala ito sa pangalan ng isang Jennylyn E. Complido, may BDO account No. 002430167693.

Ayon kay Atty. Mark Santiago, executive officer for operations ng NBI-SAU, kaagad niyang inatasan si Senior Agent (SRA) Levi Anthony Royeras na magkasa ng entrapment operation laban sa suspek.

Naaresto si Cardenas noong gabi ng Abril 18, sa mismong lugar nito sa Bulacan.

Nakuha sa kanya ang isang iPhone 6, BDO ATM card at resibo ng Cebuana Lhuillier Pera Padala.

Itinanggi ni Cardenas ang sumbong laban sa kanya.

Aniya, isang nagngangalang Kiko na umano’y nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) ang nakiusap sa kanya na mag-open ng account dahil may idedeposit umanong pera na pambili ng sasakyan.

Inamin nito na bago ang pagkakaaresto sa kanya ay may P50,000 nang naideposit sa kanyang bangko at ipinadala niya ito kay Kiko sa pamamagitan ng Cebuana Pera Padala.

Nang tanungin ang tunay na pangalan ni Kiko, walang matukoy na malinaw na detalye ang suspek kundi batchmate lamang niya ito sa Lolomboy National High School.

Nakakulong na si Cardenas sa NBI detention cell at sinampahan na sa Bulacan Police Provincial Office ng paglabag sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at attempted estafa in relation to RA 10175.

Tiniyak ni Atty. Rodriguez na wala siyang inaatasan na sinoman para mangalap ng pondo, sa kampanya man, kalamidad at iba pang layunin.

Pinasalamatan din niya ang NBI-SAU sa mabilis na aksyon sa kanyang reklamo laban sa suspek.

“Let this arrest serves as a stern warning to others who form part of this group that we shall take all legal means necessary to stop their criminal activities and make them fully accountable for their deplorable deeds,” babala pa ng tagapagsalita at chief of staff ni Marcos.

204

Related posts

Leave a Comment