MERON na bang nabago sa tanawin sa PBA, ang kauna-unahang ligang propesyonal sa basketball dito sa Pilipinas at sa Asya?
Kung ang pag-uusapan ay ang mga kaganapang nangyari sa katatapos na elimination at quarterfinal rounds ng semi-bubble 2021 Philippine Cup, ang sagot ay ‘walang malaking pinagbago.’ Ang mga koponang ari ng San Miguel Corp. ni businessman-sportsman Ramon Ang (RSA) ay nakikitang muling magdodomina ng All-Filipino Cup. At sa malas, ang titulong itinuturing na pinaka-prestihiyoso sa tatlong torneong regular na inihahain ng liga sa mesa na balak mabawi ng San Miguel Beer ay hahadlangan, tulad ng mga nakaraang maraming taon, ng pangkat na ari naman ng Manny V.Pangilinan (MVP).
Ang apat na koponang nakapasok sa semifinal round – Magnolia Hotshots at San Miguel Beer ni Ang, at TNT at Meralco ni MVP. Tig-tatlong team sana ang maglalaban-laban mula sa dalawang magka-away na prangkisa para sa karapatang makapaglaro sa kampeonato, pero hindi ito nagkaroon ng katuparan nang masipa kapwa ang nagtatanggol na kampeong Barangay Ginebra at NorthPort Luzon Expressway sa Round of 8.
Nakatakdang magharap ang Beermen at Tropang Giga sa simula ng Round of 4 sa DHVU Gym sa bayan ng Bacolor, Pampanga kung saan kapwa sisika-pin ng TNT at SMB na makauna sa kanilang best-of-seven series upang ihanda ang magiging tono ng serye, tungo sa Finals.
Ganito rin ang target ng Hotshots at Bolts sa kanilang hiwalay na pitong-larong pagtutuos.
Tinalo ng Beermen ni coach Leo Austria ang Katropa, 83-67, sa kanilang paghaharap noong eliminasyon, at ng Bolts ni coach Norman Black ang Hotshots ni Chito Victolero, 95-94, na itinuturing ng mga eksperto at fans na bentaheng sikolohikal sa inaasahang mahigpitang matira-matibay na serye.
Ang pagkatalo sa SMB ang kaisa-isang natamo ng Katropa sa kanilang 11 laro sa eliminasyon para makapasok sa quarters na may 10-1 panalo-talong kartada. Pang-apat ang SMB sa elimination round (7-4). Pangalawa at pangatlo ang Bolts at Hotshots, ayon sa pagkakasunod.
Ang duwelo ng SMB at TNT sa semis ay labanan ng dalawang koponang kapwa gutom sa korona. Target ng Katropa na maulit ang kanilang Finals appearance noong 2020 bubble kung saan nilupig sila ng Barangay Ginebra para sa titulong bigong naipagtanggol ng Beermen.
Mas uhaw sa tagumpay ang Katropa sa dahilang ‘di pa sila nakakaupo sa trono mula noong 2015 Commissioner’s Cup. Samantalang ang Beermen ay gigil na makabalik bilang kampeon ng All-Filipino, na limang sunod na season nilang natamasa mula 2014 bago sila natanggal sa trono ng Kings noong nakaraang taon.
Kapwa nagbago ng lineup ang dalawang koponan. Ibinalik ng TNT bilang coach si Chot Reyes. Ganoon din, hinugot ng prangkisa mula sa pagreretiro ang beteranong si Kelly Williams, bukod sa pagkuha kay Mikey Williams mula sa rookie draft, Brian Heruela, Dave Marcelo, Chris Exciminiano, Glenn Khobuntin, Chris Javier at Gryann Mendoza sa pre-season trade.
Sa kabilang dako, ang SMB ay nagpalakas ng bench nito sa pagkuha kay CJ Perez. Balik-Beerman din si six-time MVP June Mar Fajardo.
Kahit hindi pa masyadong naramdaman ng Beermen ang presensya nina Fajardo at Perez sa elims, namalas na epektibo ang dalawa matapos walisin ni coach Leo at kanyang mga bataan ang rumaragasang NorthPort Batang Pier sa Round of 8.
Inaasahan din kapwa nina coach Victolero at Black ang isang mahigpitang pagtutuos ng kani-kanilang team na anila’y maaaring matapos ng maaga o magtagal, depende sa kung sino sa kanila ang magiging matatag ‘pag dumating ang ‘oras ng kagipitan.’
