PANIBAGONG PROTESTA IHAHAIN KONTRA CHINA

MULING maghahain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China.

Nabatid na kumilos na si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Boy Locsin para sa paghahain ng protesta laban sa anito’y incessant at unlawful restriction ng China sa mga mangingisdang Filipino sa Bajo de Masinloc.

Bukod pa rito ang pananatili sa West Philippine Sea ng tinatayang 150 Chinese vessels sa bisinidad ng Iroquois reef.

Kahapon ay kinumpirma ng National Security Council (NSC) na umaabot sa 150 barko ng China ang naispatan sa WPS.

Sa deliberasyon sa P5.204 national budget sa Kamara, sinabi ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na siyang nagdepensa sa budget ng NSC, na mayroong 150 Chinese vessels ang minomonitor umano sa WPS.

“Kino-confirm po ng NSC na mayroon pa rin pong umaaligid na Chinese maritime vessels doing fishing operations, moving from one spot to another. At ‘yun nga po ‘yung binabantayan din ng counterparts dito sa Philippine side,” ani Biazon.

Ginawa ng NSC ang pag-amin sa interpelasyon ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil hanggang ngayon ay hindi umano umaalis ang mga barko ng China sa WPS.

Ayon kay Biazon, may habang 30 hanggang 50 metro ang laki ng mga barko ng China na umaali-aligid sa teritoryo ng Pilipinas sa nasabing karagatan.

“Sa appearance nila mukhang civilian vessels kaya tinatawag na maritime militia. They look civilian but you know they have some strategic mission to do out there,” pag-amin ni Biazon.

Dahil dito, tinanong ni Brosas kung anong mga aksyon ng NSC para idepensa ang soberenya ng Pilipinas sa WPS.

“The recommendation is for us in Congress to grant their fund request for the addition of vessels that may operate and of course to continue the diplomatic efforts that our country is doing each time that there are incidents involving foreign vessels who intrude into our exclusive economic zone,” sagot ni Biazon.

Noong Marso, mahigit 200 barko ng China ang natuklasan sa Julian Felipe Reef, ilang linggo matapos mag-donate ng 1 million Sinovac vaccine ang China. Naging dahilan ito para pagdudahan na kapalit ng bakuna ang pamamalagi ng mga Chinese vessel sa WPS.

Umaasa si Brosas na mapapalayas ng Pilipinas ang mga barkong ito sa loob ng teritoryo ng Pilipinas at maprotektahan din ang interes ng mga mangingisdang Pinoy na itinataboy ng mga dayuhan sa sariling teritoryo. (RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD)

178

Related posts

Leave a Comment