MUKHANG malaking ‘krimen’ ang ginawa ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na pagsuporta sa mga kongresista ng Makabayan Block dahil maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay hindi nagustuhan ang ginawa ng kauupong pinuno ng Kamara de Representantes.
Napansin ko ang patuloy na bira laban kay Velasco, sa pagkakataong ito ay mula sa isang abogadong solido ang suporta at pagtatanggol sa administrasyong Duterte, kabilang na ang paglaban sa komunismo at terorismo.
Kahapon, lumabas sa pahayagang ito ang pagtatanggol ni Atty. Trixie Angeles sa AFP laban kay Velasco.
Partikular na isyung binigwasan ni Angeles kay Velasco ay ang pagtatanggol sa bloke ng Makabayan makaraang iugnay ni Lieutenant General Antonio Perlade Jr. ng AFP – Southern Luzon Command (Solcom) at ng National Task Force to End Local Communist (NTF-ALCAC) sa Communist Party of the Philippines/News People’s Army/National Democratic Front of the Philippines (CPP/NPA/NDFP).
Sinabi rin ni Parlade na tinitiktikan ng AFP ang mga kaliwang mambabatas dahil sa pagiging miyembro umano nila sa CPP batay sa ibinunyag sa AFP ng mismong mga kadre ng CPP na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Ang espesipikong pahayag na ito ni Velasco na: “General Parlade should be more circumspect and cautious in issuing statements against House members whose lives he may place at great risk and danger sans strong evidence These lawmakers are duly elected representatives of the people, and implicating them on issues that have yet to be substantiated is uncalled for” ang ikinabanas ng AFP sa kauupong pinuno ng Kamara.
Tingin ko, ang punto ni Angeles ay ‘panis’ na lider si Velasco nang banatan ng abogado ang pakikialam at pagmamaliit nito kay Parlade, sa partikular, at sa AFP, sa kabuuan.
Naniniwala ang nasabing abogado na sinira ni Velasco ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa CPP/NPA/NDFP at mga kaliwang organisasyon na mga prente ng CPP.
Si Velasco ay mahigit pa lamang isang buwang speaker ng Kamara, ngunit mistulang nagpakita ng ‘tunay’ na kulay.
Hindi pala maaasahan si Velasco ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag kontra – komunismo at kontra – terorismo ang isyu.
Dahil sa pagtatanggol nito sa mga mambabatas na iniugnay ni Parlade sa CPP/NPA/NDFP, binira ni Angeles si Velasco sa ganitong pahayag: “With all due respect, Speaker Lord Allan Velasco. I understand you and all other congressmen are duly elected officials. And that you must speak this way to protect the men and women in Congress. But that does not mean you get to dictate military or legal strategy”.
Tingin ni Angeles, ignorante si Velasco sa ugnayan ng mga kaliwang party-list group sa CPP/NPA/NDFP.
Kaya, panawagan ni Angeles kay Velasco ay hayaan at respetuhin ang trabaho, tungkulin at obligasyon ng AFP laban sa komunismo at terorismo.
Para sa kaalaman ni Velasco, inihayag ni Angeles na inilalabas at iminumulat ng AFP ang publiko hinggil sa pagpapaanib ng mga kaliwang aktibista sa mga estudyante sa mga pamantasan na sumapi sa NPA.
Konkretong babala ito ng AFP sa mga magulang tungkol sa pagsali sa mga komunistang organisasyon upang huwag mamatay kapag naging kawal ng NPA.
Isinisiwalat din ng AFP sa publiko ang mga personalidad na kasapi ng CPP/NPA/NDFP, wika ng abogado, ngunit nakalulungkot dahil mismong si Velasco na ibinida at tiniyak kay Duterte na kakampi siya ng pangulo ang siya mismong nagtatanggol at nagpoprotekta sa mga kaanib sa komunistang pangkat.
Hindi ba alam ni Velasco na “The communist insurgency has taken lives, broken families, arrested national development. It has been over fifty years, Clearly, we need to change our approach to this problem and end it once and for all. The old ways haven’t worked. So, Gen. Parlade has brought the war for hearts and minds into the public eye and it is working”, bulalas ni Angeles.
“Are you, are trying to stop the AFP? Please don’t. Maybe we can save families from being broken, kids from dying senselessly. Don’t you think it is worth it?”, patuloy na ratsada ni Angeles kay Velasco.
Napakalinaw ng pahayag ni Angeles kay Velasco.
Sa ginawa ni Velasco, asahang mayroon pang bibira sa kanya dahil sa tingin ko ay hindi magandang pinagdududahan ang sinumang heneral, o ang AFP, kapag komunismo ang paksa.
