(FERNAN ANGELES)
MISTULANG sarswela o palabas sa entablado ang paglalarawan ng isang dating lider ng election watchdog ng simbahan kaugnay ng ginagawang pagdistansya ni Davao City Mayor Sara Duterte sa amang si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa nalalapit na 2022 presidential derby.
Ayon kay Bro. Clifford Sorita na dating Secretary-General ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), isang camouflage strategy ang pagpapakitang magkaiba ang mag-amang Duterte kasabay ng tahasang pagpapahayag na magkapareho lamang umano ang pangulo at ang anak nitong alkalde.
Panawagan ni Sorita sa publiko, huwag magpalinlang.
Paliwanag pa ng dating lider ng PPCRV, ang ginagawang pagbatikos ni Mayor Sara sa mismong partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban, maging ang pagdistansya nito sa isinusulong na tambalang Go-Duterte para sa 2022 presidential election at pagtanggi sa Duterte-Duterte tandem ay pawang bahagi ng isang strategic political plan upang lansihin ang mga botante.
Pangamba pa ni Sorita, mauuwi rin ang lahat ng mga ito sa tambalan ng mag-amang Duterte kung saan magiging presidential candidate ang batang Duterte samantalang pambato bilang bise-presidente ang kanyang ama.
“Tingin ko sa lahat ng yan ay simply zarzuela or romcom between Sen. Bong Go, Mayor Sara and our President, Mr Duterte. Minsan kasi you have to look past the subterfuge, the camouflage, because all these alignments will just boil down to one thing, Mapa-anong configuration yan Duterte-Duterte configuration or Go-Duterte, whichever Duterte that may be” paliwanag ni Sorita.
Nais din lamang aniyang timplahin ng mga Duterte kung ano ang mas acceptable na tandem configuration.
“Kasi masyadong pumalpak itong COVID-19 response, let’s face it the pandemic response is a failed response and talagang people are not happy with what’s happening so it’s a camouflage to distance one campaign to the other,” giit pa ni Sorita.
Paala nito na hindi dapat ma-misled ang tao dahil ang katotohanan ay kabilang ang mag ama sa iisang grupo – ang Davao Group.
“It is the same group trying to regain power, whatever happens for another 6 years. It is simply an extension of the power lang naman. Let the people be aware of it and it is not a different configuration, the drama, the zarzuela, these two different groups. Di ba aakalain mo magkaiba? Pero hindi naman dalawang separate groups kasi the people behind it are still the same people,” pagtatapos pa nito.
Tampulan ng patutsada ang mag-amang ayon sa mga kritiko ay parehong sablay sa kani-kanilang mga mandato. Ang pangulo ay binabatikos sa patuloy na pagsalag nito sa mga itinalagang opisyal na sangkot sa maling paggamit ng COVID funds ng Department of Health, mabagal na vaccination drive at kawalang sistema sa COVID response.
Nahaharap din sa kontrobersya ang batang Duterte sa pag-iikot nito sa iba’t ibang lalawigan at lungsod para sa konsultasyon sa mga political leader habang ang Davao City ay nahaharap sa mabigat na pagsubok dahil sa pagtatala nito ng pinakamataas na kaso ng COVID-19 – higit pa sa naitala ng Metro Manila.
