Pantapat sa China? BARKONG PANDIGMA NG US, NASA PINAS

ISANG linggo makaraan ang pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin, dumating naman sa bansa sa unang pagkakataon mula noong 2019 ang barkong pandigmang USS Charleston LCS 18 bilang bahagi ng pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa pagdating ng Independence-variant littoral combat ship USS Charleston (LCS 18), ay bahagi ng pagpapatibay ng alyansa ng bansa sa Estados Unidos bunsod na din ng pasya ng Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy na lamang ang kontrobersyal na Visiting Forces Agreement sa kabila pa ng patutsada ng administrasyon laban dito.

Ayon kay US 7th Fleet commander Vice Admiral Karl Thomas, bagamat dumaong na sa bansa ang kanilang barkong pandigma, mananatili naman umano ang mga lulan ng nasabing sasakyang pandagat sa loob ng USS Charleston.

Ayon kay Thomas, hindi sila pumarito upang palalain ang tensyon sa West Philippine Sea na patuloy na pinag-aagawan ng Pilipinas at China. Katunayan, narito lamang aniya sila sa bansa para makapagpahinga habang nagkakarga ng krudo.

Magugunitang binawi ng Pangulo ang nauna nitong pahayag hinggil sa pagbabasura ng VFA habang patuloy na pananatili ng daan-daang barko ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Sa ilalim ng VFA, ginarantyahan ni Austin ang pangako ng Estados Unidos hinggil sa probisyong pagtatanggol sa Pilipinas laban sa mga bansang magtatangkang sakupin ang bansa. Maliban sa pag-agapay kontra China, bahagi din aniya ng kasunduan ang pagkalinga sa mga Pilipino sa mga panahon ng kalamidad o krisis.

“The U.S. security commitment to the Philippines is iron-clad, and that commitment…extends to the South China Sea. As we celebrate the 70th anniversary of the Mutual Defense Treaty this year, the commitment to our security partnership with the Philippines is stronger than ever,” saad ni Austin sa isang pahayag.

Hindi din aniya ito ang huling pagdaong ng barkong pandigma ng US sa Pilipinas, lalo pa’t bahagi ng kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas ay ang aktibo nitong paglahok sa mga 300 bilateral engagements tulad ng pagsasanay, pagbabahagi ng kaalaman at modernisasyon.

Kabilang sa mga pagsasanay na kapwa lalakuhan ng dalawang bansa ay ang Balikatan Exercises, Southeast Asia Cooperation and Training (SEACAT) at ang Maritime Training Activity (MTA) o Sama Sama.

“Our U.S. Navy ships’ presence at sea and in ports like Manila promote security and stability that drives the peace and prosperity for the benefit of regional countries. We appreciate the flexibility to resupply our ships in the Philippines, so that they are ready to support a free and open Indo-Pacific region,” ani Thomas. (JESSE KABEL)

207

Related posts

Leave a Comment