BINUHAY sa Kamara ang panukalang batas na nagtatakda ng dagdag-sahod para sa mga manggagawa bilang tugon sa pagtanggi ng pamahalaang isantabi ang pagpapatupad ng 12% value-added tax (VAT) sa gitna ng lingguhang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc, hindi lang dobleng dagok ang nararanasan ng mga mamamayan sa pagtataas ng presyo ng iba pang bilihin sa merkado bunsod ng lingguhang pagmamahal ng gasolina, krudo, kerosene at LPG.
“The consecutive oil price hikes amidst meager wages have tripled the sufferings of the Filipino people. Oil prices have been increasing for 10 consecutive weeks now. As a result, basic commodities and services that use oil have increased their prices too,” saad ng isang kalatas na ipinalabas ng nasabing grupo.
Anila, kailangang maisabatas na ang House Bill 246 (National Minimum Wage Bill) na ihinain ng nasabing grupo sa unang bahagi ng 18th Congress. Giit ng mga militanteng mambabatas, hindi na sapat ang P537 daily minimum wage sa Metro Manila dahil sa walang puknat na pagtaas ng presyo ng langis.
Gayunpaman, hindi rin anila dapat maiwan ang mga manggagawang nasa mga malalayong lalawigan na tumatanggap ng higit na mas mababang sahod, lalo pa’t maging sila’y lubhang apektado sa malawakang pagsirit ng presyo ng mga panganahing bilihin sa mga pamahilihan.
Bago pa man inihain ang HB 246, una nang ibinasura ng nakaraang Kongreso ang panukalang wage adjustment na mahigpit na tinutulan ng mga negosyante.
Giit pa ng Makalaban Bloc, isang angkop at disenteng pasahod ang natatanging solusyon sa kahirapang dinaranas ng mamamayang hindi na anila makaagapay sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, gamot, at maging sa napipintong pagtataas ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Mismong ang National Economic Development Authority (NEDA) anila ang nagsabing P1,600 kada araw ang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro, para mabuhay.
“The current minimum wage of our workers is nowhere near this,” saad pa nila. (BERNARD TAGUINOD)
180 