(Ni Tracy Cabrera)
INTRAMUROS, Manila — Maaaring sinasabi ni Pasay City mayor Imelda ‘Emi’ Calixto-Rubiano na hindi pinapayagan ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa lungsod subalit may mga indikasyon na hindi tuluyang nasusunod ang direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. dahil mayroon pa ring mga guerilla operation ang mga scam hub sa ilang lehitimong establisimyento sa lungsod.
Batay sa findings ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), mayroong ilang mga POGO na patuloy ang kanilang operasyon sa likod ng mga establisimyento tulad ng hotel at restawran bilang ‘front’ para sa kanilang scamming at iba pang criminal activity.
Ayon sa PAOCC source, naniniwala siyang tinutulungan ang mga ‘gerilyang’ POGO ng ilang opisyal ng lungsod, na nagbibigay proteksyon sa mga ito upang hindi na sila inspeksyunin ng lokal na business permit and licensing office.
“Hindi magkakalakas-loob ang mga ito kung wala silang padrino o proteksyon mula sa mga opisyal ng LGU (local government unit),” pinuno ng source.
Samantala, isa namang city hall informant ang sang-ayon dito dahil totoo umanong may kasabwat ang mga POGO sa ilang opisyal sa lungsod.
Isiniwalat ng informant, na isang opisyal ng city prosecutor’s office, na imposible para sa sinumang empleyado ng city hall na makipagsabwatan sa POGO nang hindi nalalaman ng pamunuan ng LGU.
“Ako nga, opisyal na, dahil hindi ako within ‘the circle’ ay hindi kabahagi sa mga bigayan dito. May sindikato sa loob ng city hall at tolerated ito dahil limang Calixto ang nakaupo sa pamahalaang lungsod na nagkakaisa para magawa nila ang lahat ng kanilang kagustuhan,” kanyang hinayag.
Binanggit din nito na sangkot sa sabwatan ang isang kilalang mamamahayag na binigyang-puwang para makopo ang lahat ng mga advertising at publishing requirement ng lungsod kapalit ng kanyang suporta at pagsisikreto ng mga anomalya.
