KUMPIYANSA ang isang House prosecutor sa napipintong impeachment trial na madiin si Vice President Sara Duterte sa kasong katiwalian dahil sa mga recipient ng confidential funds na sina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin.
“The evidence is overwhelming (para madiin si Duterte). Huwag na tayong lumayo, balikan na lang natin at si Kokoy Villamin,” ani Batangas District II Gerville ‘Jinky Bitrics’ Luistro na inaasahang magsisilbing lead prosecutor sa impeachment trial ng bise presidente.
Sina Piattos at Villamin ay kabilang sa pangalan na isinumite ng tanggapan ni Duterte na recipient o tumanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating pinamumunuan ni VP Sara.
Hanggang ngayon aniya ay hindi sinasagot ng kampo ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang isyung ito subalit may sertipikasyon na ang Philippine Statistic Authority (PSA) na hindi lumalabas sa kanilang data base ang mga pangalang binanggit.
Pangalawa sa 7 article of impeachment ay ang graft and corruption case na inendorso ng 215 Congressmen laban kay VP Duterte dahil bukod kina Piattos at Villamin ay libu-libo umano sa lumagda sa acknowledgment receipt ay kuwestiyonable ang mga pagkatao.
Dahil dito, sinabi ni Luistro na sa kaso pa lamang nina Piattos at Villamin ay malakas na umano ang ebidensya laban sa pangalawang pangulo na may petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya.
Samantala, hinamon naman ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega ang mga Duterte na sa halip na magpakalat umano ng fake news ay ipaliwanag na lamang kung sino si Mary Grace Piattos.
“Nakita naman natin during the (House) Quad Comm, during the budget hearing sa local government, hindi pa nga nasasagot si Mary Grace Piattos, sagutin muna nila iyon. O ayan may impeachment na kaya nga umabot sa punto na ganyan kasi hindi nga masagot iyong napakasimpleng tanong, sino ba si Mary Grace Piattos? Saan napunta iyong mga pera na ‘yan? Kaya huwag muna kayo mag-fake news,” litanya ni Ortega.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos sabihin ni dating pangulong Duterte na posibleng magdeklara ng martial law si Pangulong Ferdinand’ ‘Bongbong’ Marcos Jr., upang manatili siya sa kapangyarihan. (PRIMITIVO MAKILING)
