Para makaiwas sa baha DAGDAG SEWAGE TREATMENT PLANT HILING NG MANILA LGU

NANAWAGAN ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng maraming sewage treatment plant o STP mula sa national government.

Sa kanyang pag-iikot upang tingnan ang sitwasyon sa binahang mga lugar sa Maynila, iginiit ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang pangangailangan ng mas maraming STP bilang pangmatagalang solusyon sa pagbaha sa lungsod.

Aniya, kailangang dagdagan ang kapasidad ng lungsod na linisin at ilabas ang tubig-ulan sa pamamagitan ng wastong sewer system dahil hindi sapat ang lingguhang declogging.

Sinabi si Domagoso, bagama’t mayroon nang mga STP sa Roxas Boulevard, hindi pa rin ito sapat lalo na’t barado na ang karamihan sa mga kanal at hindi na kayang saluhin ang tubig-ulan.

Ayon sa alkalde, nakita sa kanilang pag-inspeksyon na hindi basura kundi buhangin at putik ang bumara sa ilang drainage inlets matapos ang malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Crising at Habagat.

Ilang pumping station din aniya ang hindi gumagana dahil wala pa ito sa pangangalaga ng MMDA, dahilan ng pagbaha sa ilang lugar gaya ng Taft Avenue.

Iminungkahi rin ni Domagoso na magtayo ng mga STP sa iba pang flood-prone areas gaya ng Baseco, Parola at Districts 105 at 128. (JOCELYN DOMENDEN)

12

Related posts

Leave a Comment