Para makuha ang cellphone 4-ANYOS PINATAY NG KAMBAL

PAMPANGA – Para lamang makuha ang cellphone na pinaglalaruan ng 4-anyos na bata ay pinatay ito ng kambal nilang kapitbahay sa Northville 14 sa bayan ng San Fernando sa lalawigang ito, noong nakalipas na linggo.

Nadakip sa isinagawang follow-up operation ng San Fernando Police ang kambal bago tuluyang makatakas matapos ang isinagawang krimen.

Kinilala ni P/Lt. Col. Soledad Elefanio, ng Police Regional Office 3 Public Information Office, ang magkapatid na suspek na sina Jonh Mark at John Kevin Salonga, 18-anyos, kapitbahay ng biktima sa Northvile 14, ng nasabing bayan.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat, iniwan ng kanyang ina ang batang lalaki noong nakaraang Martes para umigib ng tubig at para malibang ay ipinahawak nito ang kanyang cellphone sa biktima.

Ngunit nang balikan ng nanay ang kanyang anak ay nawawala na ito.

Kinabukasan ng Miyerkoles ay natagpuan ang bata sa talahiban na nakasilid sa isang eco bag matapos na ituro ng isang tricycle driver ngunit wala na itong buhay.

“Meron kasing isang tricycle driver na nakakita, siya ‘yung nagturo doon sa magulang, na noong Feb. 16 pa nawawala itong bata, ini-report nga na nawawala. So noong nalaman ito ng tricycle driver, siya ‘yung nagsabi sa mga magulang na may nakita siya na dala-dala nitong kambal na ito na plastic bag tapos dinala doon sa damuhan tapos doon daw itinapon,” ani Police Lt. Col. Elefanio.

Sa follow-up investigation, itinuro ng tricycle driver ang kambal na sina John Mark at John Kevin na sumakay sa kanya patungo sa nabanggit na lugar.

Inamin umano ng kambal na nangangailangan sila ng pera dahil sasali sila sa isang audition kaya pinag-interesan nila ang hawak na cellphone ng bata.

Nakakulong na sa San Fernando City Police Station ang mga suspek na nahaharap sa kasong murder in relation to Republic Act 7610 (child abuse). (JESSE KABEL)

292

Related posts

Leave a Comment