NILILIHIS at binababoy ng gobyerno ang imbestigasyon sa multi-billion peso flood control anomaly upang pagtakpan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang maanghang na pinakawalan ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa isang talakayan sa Kamuning Bakery Café sa Quezon City nitong Lunes.
Diretsahang sinabi ni Singson na walang patutunguhan ang bagong likhang Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil ito raw ay “peke at diversionary tactic” lamang upang iligaw ang publiko at mailayo ang isyu sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa korupsyon.
“Walang mangyayari. Bakit ililipat nila sa farm-to-market road? Ginugulo nila, huwag lang mapunta kay Marcos,” pahayag ni Singson sa harap ng mga mamamahayag, sabay batikos sa administrasyon sa paraan ng paghawak nito sa flood control project scandal.
Hinimok din ng dating gobernador ang ICI na agad magsampa ng kasong korupsyon laban sa mga opisyal ng gobyerno na dawit sa multi-billion-peso flood control fund anomaly at panagutin ang mga responsable.
Dagdag pa ni Singson, maging si Pangulong Marcos umano ay may “questionable contractors” sa Ilocos Norte, kung saan aniya ay talamak ang katiwalian.
“Magdurusa ang taong bayan sa ilalim ng pamumuno ng isang ‘bangag’ leader,” matapang na pahayag ni Singson.
Binanggit din niya ang umano’y eskandalo sa likod ng pagkamatay ng anak ng isang kilalang business family sa Estados Unidos, bagaman hindi na ito dinetalye.
Ayon pa kay Singson, sinusuportahan niya ang panawagang maglunsad muli ng “Trillion Peso Protest” — katulad ng mga naunang kilos-protesta na tumutuligsa sa malawakang graft and corruption sa bansa.
Kasabay nito, kinuwestyon ni Singson ang pagtatalaga kay dating Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang Ombudsman, na umano’y magbibigay ng proteksyon kay Marcos.
“Pitong taon siya (Boying Remulla) diyan. Walang makakagalaw kay Marcos. Babalik lang sa U.S. ‘yan,” sabi pa ni Singson, sabay patutsada sa posibleng post-term plans ni Pangulong Marcos.
Si Singson, na minsang nasangkot din sa graft charges dahil sa umano’y maling paggamit ng tobacco excise tax funds noong siya ay gobernador ng Ilocos Sur, ay kalauna’y naabsuwelto dahil sa pagkaantala ng imbestigasyon ng Ombudsman.
(JESSE RUIZ)
