HINIMOK ni Senador Joel Villanueva ang Department of Health na resolbahin nito ang problemadong paggastos upang mabigyan ng tamang aksyon ang health situation sa bansa.
Kasunod ito ng report ng Commission on Audit na may problema ang Department of Health sa pamamahala ng COVID 19 funds.
“Ang COA report po ay parang MRI scan ng paggamit ng pondo. Itong sa taong 2020, nagsilbi po itong diagnostic tool at kitang-kita kung saan ang bara sa DOH,” diin ni Villanueva.
Ipinaliwanag ni Villanueva na sa lahat problemang inilatag ng COA, ang pinakamasakit ay ang delay sa pagbili ng mechanical ventilators.
Batay sa report, ang HEAL COVID-19 Project ay may kabuuang pondo na ₱2 bilyon na maaaring gamitin po sa “medical equipment, COVID-19 vaccines, patient transport vehicles at iba pa
Sa naturang halaga, P479.7 milyon lamang ang na-obligate at ito ay para sa 90 units ng mechanical ventilators at 85 units of X-ray machines.
Subalit natapos ang taon, ayon pa sa mambabatas, nadagdagan na ang mga namatay sa COVID, ngunit wala pang delivery ng anumang equipment na ito.
“When procurement is choked by inefficiencies, a COVID patient struggling to breathe dies down the line. Umaasa po tayong mayroong catch up plan ngayong taong 2021 at madeliver na rin ang mga ventilators at X-ray machines,” diin ni Villanueva.
Kung pasyente anya ang DOH, maituturing na isa sa comorbidities nito ay ang problematic spending.
“I think DOH should make critical personnel hires in the field of procurement and supply chain management. For the pandemic to be defeated, or any public health challenge for that matter, logistics play an important role,” dagdag ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
146 