(NI BERNARD TAGUINOD)
NAKIKIPAG-DEAL pa umano ang party-list congressmen-elect sa mga kandidato sa Speakership na mamumuno sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa 18th Congress bago nila bitawan ang kanilang boto.
Ito ang nabatid sa isang mapagkatiwalaang impormante sa Kamara kaya hindi pa nagdedesisyon ang nasabing grupo kung sino sa tatlong kandidato sa speaker ang kanilang susuportahan.
Nakaharap na ng mayorya sa nasabing grupo ang tatlong kandidato na sina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano nitong Sabado upang makuha ang kanilang boto.
Gayunman, hindi pa nagdedesisyon ang nasabing grupo kung sino ang kanilang susuportahan dahil mayroon umanong “deal’ ang mga ito sa mga kandidato bago makuha ang kanilang boto.
Base sa impormasyon, nais ng grupo na magkaroon ng mga Committee chairmanship sa susunod na Kongreso subalit hindi pa nadedesisyunan ng tatlong kandidato.
Hindi binanggit ng impormante kung anong mga Committee chairmanship ang nais ng mga party-list congressmen subalit nitong 17th Congress ay mayroon silang hawak na 9 na committee.
Nabatid na 7 sa mga party-list congressmen na muling magiging kinatawan ng kanilang partido sa 18th Congress ay mga third termer na at puwede nang humawak ng committee chairmanship.
