2 PMA CADETS ‘DI NAKA-GRADUATE 

pma

(NI JG TUMBADO)

HINDI nakapagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) ang dalawang kadete na miyembro ng Mabalasik Class of 2019, Linggo ng umaga.

Ito ay makaraang tanggalin ang kanilang mga pangalan mula sa orihinal na 263 kadete na ga-graduate dahil sa mga paglabag sa regulasyon ng akademiya.

Ayon kay Major Reynan Afan, tagapagsalita ng PMA, posibleng isama na ang dalawang napag-iwanang kadete sa pagtatapos ng Class of 2020.

Dahil hindi naman nilabag ng mga kadete ang Honor Code, hindi sila nasuspinde pero may ibang parusa na ipinataw sa kanila na kailangan munang pagsilbihan bago makapagtapos. Ang Honor Code ay ang mga regulasyon sa kung paano dapat kumilos sa loob at labas ng institusyon ang mga kadete.

“A cadet’s graduation always depends on his performance in all the aspects of training inside the academy,” ayon kay Afan.

Mga Babaeng Kadete sa Top 10

Kalahati o lima sa mga nangunang 10 kadete na may karangalan ay pawang mga babae.

Ang Top 1 ngayong taon ay isang babae sa katauhan ni Cadet 1st Class Dionne Mae Apolog Umalla, 21, ng Alilem, Ilocos sur. Walang hanapbuhay ang mga magulang ni Umalla kaya ganoon na lamang ang pagsisikap nitong maitaguyod ang pag-aaral sa tulong ng gobyerno. Labing-apat na awards at plake ang tinanggap nito.

Nasa ikatlong mataas na karangalan naman si Cadet 1st Class Jahziel Gumapac Tandoc, 21, ng La Trinidad,  Benguet. Parehong walang hanapbuhay ang mga magulang ni Tandoc.

Nakuha naman ni Cadet 1st Class Marnel Dinihay Fundales, 21, ang ika-pitong puwesto. Si Fundales ay taga-Iloilo at ang ama nito ay enlisted personnel ng Philippine Army.

Pang-walong puwesto naman sa Top 10 si Cadet 1st Class Glyn Elinor Buansi Marapao,  22, ng  Buguias,  Benguet. Ang tatay ni Marapao ay retiradong sarhento ng AFP.

Ang pang-limang babae sa Top Ten ay si Cadet 1st Class Ruth Angelique Ricardo Pasos, ng Pinagbuhatan,  Pasig City,  22. Isa namang salesman ang kanyang ama.

Noong isang taon ay tatlong babae rin ang napasama sa  Top 10 ng 2018 Alab Tala class.

Samantala, pasok din sa Top 10 sina Cadet 1st Class Jonathan Eslao Mendoza (2nd place); Cadet 1st Class Daniel Heinz Bugnosen Lucas (4th place); Cadet 1st Class Aldren Maambong Altamero (5th place); Cadet 1st Class Richard Balabag Lonogan (6th place); at Cadet 1st Class Daryl James Jalgalado Ligutan (10th place).

Bahay at Lupa sa Top 1

Hindi lamang pagiging top 1 ng klase ang bonus na regalo sa mga magulang ni Cadet 1st Class Umalla kundi may mauuwian na rin sila ng bagong bahay.

Maliban sa mga hinakot na parangal at plake, binigyan din ng bahay at lupa ni Pangulong Rodrigo Duterte si Umalla.

Ito ang ikalawang taon na nagkaloob si Pangulong Duterte ng bahay at lupa sa mga top 1 ng PMA, maging sa top one ng Philippine National Police Academy (PNPA), sa tulong na rin ng ilang realty developers sa bansa.

 

 

377

Related posts

Leave a Comment