PARTY-LIST SYSTEM KAILANGAN NA TALAGANG AMYENDAHAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAILANGAN na talagang amyendahan ang Republic Act (RA) 7491 na siyang nagtatag sa party-list system dahil ginagamit na ito ng mga negosyante at mayayaman para makapasok sa Kongreso at mapalawak pa ang kanilang business empire.

Itinatag ang party-list noong 1995 para magkaroon ng kinatawan sa Kongreso ang mga marginalized sector tulad ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, manggagawa, urban poor, kabataan, cultural communities, Pinoy overseas, professionals at matatanda.

Hindi sinasabi sa batas na kasama sa marginalized sector ang mga mayayaman at malalaking negosyante at mga political family, pero maraming party-list congressmen ang multi-millionaire at malalaking negosyante at mula sa pamilya ng mga politiko.

Hindi na tayo magbabanggit ng pangalan pero karamihan sa kanila ay daig pa ang yaman ang ilang district congressmen kaya hindi ko lubos maubos na sila ay mga marginalize na kailangan nilang pumasok sa Kongreso para magkaroon sila ng boses.

Ginagamit lang ng mga ito ang mga marginalized sector para sa kanilang sariling kapakanan at hindi ang kapakanan ng kinakatawan kuno nila sa Kongreso, kaya kailangang amyendahan na ang walang silbi na batas na ito.

Pero kapag inamyendahan naman ang batas na ito, dapat siguraduhin na mula sa sektor mismo ang kakatawan sa kanila at hindi multi-billionaire o multi-millionaire dahil siguradong sariling interes ang kanilang isusulong.

Mantakin n’yo ha, may kumakatawan daw sa mga magsasaka pero tahimik sa mababang presyo ng palay, walang tubig sa irrigation, mataas ang presyo ng abono, rice smuggling, price manipulation at iba pa dahil hindi naman talaga siya magsasaka.

‘Yung iba naman, tumakbo para raw siguraduhin na magkakaroon ng tahanan ang bawat Pilipino pero tahimik sa housing backlog pero gusto niya magtayo ng mga pasilidad ang gobyerno para gumawa ng mga barko… ang layo ‘di ba. Sabi niya, PR niya, may bahay sa loob ng barko. Nananarantado ang PR niya ‘di ba?!

Ang iba naman ay mas dumami ang mga proyekto na nakuha ng kanilang kumpanya sa gobyerno noong napakasok na sila sa Kongreso para katawanin daw ang kanyang mga kababayan sa mababang kapulungan.

Wala namang naniniwala na wala silang nalalaman sa mga kontratang nakuha ng itinatag nilang kumpanya bago sila naging party-list congressman dahil nag-divert na raw sila ng kanilang interes nang maging mambabatas na sila. Weehhhh!

Ganyan naman ang gawain ng mga politiko, kunwari wala na silang interes sa kanilang kumpanya pero pamilya naman nila ang nagpapatakbo. Ginagawa nilang gago at bobo ang mga tao.

Ngayon, kailangang nang seryosohin ang pag-amyenda sa Party-list System Act dahil naiitsapwera ang mga tunay na marginalized group sa Kongreso. Nakokontrol na ng rich and powerful ang sistemang ito.

35

Related posts

Leave a Comment