SA napipintong panunumpa ng ika-17 pangulo ng bansa, muling bumida sa entablado ang mga paru-paro at balimbing sa larangan ng pulitika. Ang mga maingay sa patutsada, sa isang iglap bumaliktad at pumupusturang kakampi na.
Sila yaong mga may higit pa sa isang mukhang gamit sa pagdapo kung saan nila inaakalang may mapapala. Sa mahabang panahon, karaniwang nakikita ang pagsibol ng mga balimbing pagkatapos ng halalan.
Mga senador, kongresista sa Kamara, mga gobernador, alkalde at maging mga negosyanteng kabi-kabila pumusta. Ilan lang ‘yan sa dapat asahan sa mga susunod na linggo bago ang takdang araw ng panunumpa ng bagong pangulo.
Kung tutuusin, walang masama sa balimbing lalo pa’t ayon sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa sa medisina, pwedeng gamitin bilang lunas sa mga karamdaman ang bungang hitik sa bitamina. Pero ang pagiging balimbing, sadyang nakasusuka.
Gayundin ang makukulay na paru-paro. Maganda sa paningin at mainam sa mga bulaklak. Pero hindi ang mga paru-parong pulitikong dumadapo lang kung saan may masisipsip na katas.
Ano nga ba ang tunay na pakay ng mga paru-paro at balimbing sa pulitika? Pera, impluwensiya o proteksyon para makaiwas sa bulilyaso? Ang
totoo, lahat ‘yan pasok sa katangian nila. Sila yaong dapat ingatan ng susunod na administrasyon lalo pa’t ang katapatan nila’y limitado sa pakinabang sa pwesto.
May mga gumagapang para maitalaga sa pwesto. Mayroon din namang bubulong sa hangaring makasungkit ng kontrata sa gobyerno. Hindi rin maiiwasan ang baliktaran sa Kongreso kung saan sila nag-aabang ng mas malaking pondo.
Gayunpaman, hindi angkop na isara ang pinto sa mga nais tumulong sa pangakong pagbangon ng bansang inilugmok ng katiwalian, labis na pulitika, pagsasamantala ng mga oligarko at dagok ng pandemya.
Hindi madali ang hamon sa susunod na pangulo – sandamakmak na utang, katiwalian sa pamahalaan, lugmok na ekonomiya, kawalan ng trabaho at marami pang iba. ‘Yan mismo ang dapat gawing prayoridad ng susunod na pangulo.
Lahat ‘yan, mapagtatagumpayan kung tayo’y makikibahagi sa kolektibong pagkilos nang walang halong pag-iimbot. Tapos na ang halalan, nagpasya na ang mamamayan. Panahon na rin marahil kumilos para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.
