KINUWESTYON ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang pagse-share ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ng isang AI (artificial intelligence)-generated video ng dalawang kabataang estudyante na tutol umano sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Mabuti pa ang mga bata, nakakaintindi na may mga kayang gumawa at magpakalat ng AI-generated videos para manlinlang ng kapwa,” ayon pa sa mambabatas na numero unong kritiko ni Dela Rosa.
Nangangamba ang mambabatas sa kakayahan ni Dela Rosa na maging judge sa Impeachment trial ni Duterte partikular na sa pangingilatis sa mga ebidensyang ihaharap ng Prosecution panel pagdating ng araw.
“Kung hindi siya marunong mangilatis ng Facebook video, paano pa kaya kapag ebidensiya ng isang kaso? Dapat mag-inhibit na talaga siya as Senator-judge. The message matters, yes. At ang message ni Bato sa kabataan ay okay lang manloko basta makuha ang gusto mo. ‘Yan ang mindset ng kawatan at kriminal,” ayon pa sa kongresista.
Hindi rin nito pinaglagpas ang pagdepensa ni Duterte sa pagse-share ni Dela Rosa sa AI video hangga’t hindi umano ito pinagkakakitaan ng senador.
Naniniwala rin si Manuel na ang kampo ng mga Duterte ang nasa likod ng AI video na isa anyang desperadong hakbang dahil alam ng mga ito na malakas ang ebidensyang hawak ng prosecution panel laban sa kanya.
“Kinaya nga niyang mag-imbento ng confidential fund beneficiaries. What stops her from inventing an army of supporters through AI? Palibhasa, sanay na sanay silang gawin ang lahat ng makakaya para lokohin ang publiko,” ayon pa kay Manuel.
“Kung kailangan nilang gamitin ang mga pekeng estudyante para palabasing kumokontra ang kabataan sa impeachment ni VP Sara, desperado na talaga sila,” parunggit pa ng mambabatas na nakatakdang matapos ang termino sa June 30.
Gayunpaman, patuloy aniyang makikipaglaban ang mga kabataan para sa katotohanan bagama’t aminado ito na malaking perhuwisyo ang AI deepfakes at red-tagging activities umano ni Dela Rosa at pamilyang Duterte sa kanilang hanay.
(BERNARD TAGUINOD)
