PASLIT, BINATILYO NALUNOD SA ILOG

RIZAL – Isang 4-anyos na lalaking paslit at isang binatilyo ang iniulat na nalunod sa ilog sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Rodriguez sa lalawigan noong Agosto 17, 2025.

Ayon sa ulat, bandang alas-10 ng gabi nang makatanggap ng ulat ang Tactical Operations Center mula sa Casimiro Ynares Hospital kaugnay sa insidente ng pagkalunod ng isang 4-anyos na lalaki.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, bandang alas-11:30 ng umaga nang magkayayaan umano na maligo ang biktimang si Jude Ethan Solina at dalawa pang ‘di pinangalanang kalaro.

Ayon sa nakasaksi, nagtaka umano siya na ang dalawang kalaro na lamang ng biktima ang bumalik matapos maligo ang mga ito sa Wawa River sa Sitio Inigan, Brgy. San Rafael ng nasabing bayan.

Sa paniniwalang nalunod ang biktima, agad na hinanap nila ito at makalipas ang isang oras ay natagpuan ang walang malay na biktima na agad nilang isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Nagsumite na lamang ng waiver ang pamilya ng biktima na hindi na nila ipapa-autopsy ang katawan dahil naniniwala silang walang nangyaring foul play sa insidente.

Samantala, isa pang ulat ang natanggap ng Tactical Operation Center bandang alas-8:00 ng gabi mula naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kaugnay sa insidente ng pagkalunod na nangyari sa isang binatilyo.

Batay sa ulat, namingwit umano ang biktima at bago umuwi ay naligo sa Marikina River Spillway sa Brgy. San Isidro ng nasabing bayan bandang alas-7 ng gabi.

Sinabi ng mga nakasaksi na tinangay ang biktima ng rumaragasang daloy ng tubig sa ilog at hindi na nito nagawa pang umahon.

Kaagad nagsagawa ng search, rescue, and retrieval operation ang MDRRMO at narekober ang wala nang buhay na biktima.

Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa mga kalapit na lugar para sa pagkakakilanlan nito.

Nananawagan naman ang MDRRMO ng Rodriguez, Rizal na makipag-ugnayan sa kanilang opisina ang sinomang magpapakilalang kamag-anak ng biktima na tinatayang edad 13 hanggang 18-anyos.

(NEP CASTILLO)

49

Related posts

Leave a Comment