SULU MOST WANTED PATAY, 4 SUNDALO SUGATAN SA GRANADA

SULU – Napatay ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang tinaguriang most wanted person ng Sulu kasunod ng engkuwentro nitong nakalipas na linggo na ikinasugat din ng apat na sundalo sa Barangay Kapok Punggol, bayan ng Maimbung ng nasabing lalawigan.

Kinilala ang napaslang na notorious lawless element na si Alganer Dahim alyas “Wangbu,” ikalawa sa most wanted persons sa lalawigan, matapos ang operasyon ng militar at pulisya.

Samantala, may apat na sundalo mula sa 41st Infantry Battalion ang nasugatan sa pagsabog ng granada na inihagis ng suspek kaya kinailangang itakbo sa Camp Bautista Station Hospital sa Jolo para malapatan ng lunas.

Ayon sa ulat, matapos ang intelligence gathering ng militar, inilatag ng 41st Infantry “Partner for Peace” Battalion, 11th Infantry Division, Philippine Army, katuwang ang Maimbung Municipal Police Station, RMFB14, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement operation laban kay Alganer Dahim alyas “Wangbu”, no.2 most wanted person sa Sulu.

Subalit bago pa makalapit ang mga awtoridad ay sinalubong sila ng putok kaya sumiklab ang engkuwentro sa Brgy. Kapok Punggol, na nagresulta sa kamatayan ni Dahim, sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay kay P/Col Kasim, Provincial Director ng Sulu PPO.

Ayon kay Maj. Gen. Leonardo Peña ng 11th Infantry Division, sangkot si Dahim sa malakihang operasyon ng droga sa Parang, Indanan, at Maimbung.

Kinokonekta rin siya sa pagpatay kay dating Sulu Police director Col. Julasirim Kasim noong 2009 at sa pagpaslang sa tatlong miyembro ng pamilyang Amil sa parehong bayan.

Narekober ng government troops ang mga bala at iba pang war materiel sa lugar.

“Mananatiling mapagbantay ang ating tropa at hindi natin papayagang maapektuhan ng mga kriminal ang buhay ng mga taga-Sulu,” ani Peña.

“This operation demonstrates our unwavering commitment to uphold the rule of law. Our troops remain constantly vigilant, and we will not allow unlawful disturbances affecting the lives of the people of Sulu.

There is no place for criminals and lawless elements to hide in Sulu, and justice will always catch up with those who sow violence, fear, and disorder in our communities,” sabi pa ni Maj. Gen. Leonardo I. Peña, commander ng 11th Infantry “Alakdan” Division and Joint Task Force Orion.

(JESSE KABEL)

62

Related posts

Leave a Comment