Pasok sa pastillas gang at human trafficking BI OFFICIAL BINUKING

UTAK din ng human trafficking na pakana sa Bureau of Immigration (BI) ang mga namuno sa P40 bilyong negosyo ng sindikatong ‘pastillas’ na kumilos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula 2017 hanggang 2020.

Ito ang nasukol ni Senadora Risa Hontiveros mula sa mga ebidensiyang nakalap ng Senate Committee on women, children, family relations, and gender equality hinggil sa human trafficking at raket ng pastillas gang.

Sa imbestigasyon ng nasabing komite kahapon, inilatag ni Hontiveros ang mga pangalan ng BI officers “who stamped the passports of her office’s trafficked witnesses”.

Sila ay sina Mark Darwin Talha, Nerissa Pineda, John Michael Angeles at Ervin Ortañez.

Ang nabisto sa Senado ay nagpatunay na “totoo” ang lumabas sa SAKSI Ngayon nitong nakalipas na linggo at tinalakay din sa BADILLA Ngayon nitong Miyerkoles.

Nabanggit sa balita ng pahayagang ito at sa nasabing kolum na P50,000 ang ibinayad sa ‘di tukoy na nagtatrabaho sa BI ng bawat babaeng dadalhin sa ibang bansa upang magtrabaho nang walang balakid sa pag-alis.

Pinangakuan ang mga Pinay ng napakalaking sahod kapag nagtrabaho na sila sa ibang bansa.

Ngunit, hindi ito naganap makaraan ang anim na buwan, o higit pa, na pagtatrabaho.

Kinumpirma rin ito sa Senado, ngunit eksaktong tinukoy na ang nagbayad ng P50,000 sa BI ay ang recruiter ng mga babaeng maghahanap-buhay sa ibang bansa.

Habang binubusisi ang raket ng human trafficking sa BI, naungkat ang inimbestigahan dati sa Senado hinggil sa panghihingi ng BI officers na nakatalaga sa NAIA ng P10,000 bawat dayuhan, partikular na ang mga Chinese, upang makapasok sa Pilipinas kahit walang mga kaukulang dokumento tulad ng visa upon arrival (VUA) dahil ilan sa mga pasok sa human trafficking ay bahagi ng raket ng sindikatong ‘pastillas’.

Ang nabanggit sa pagdinig sa Senado na si Angeles ay isa sa 86 BI officers na inihabla ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman noong Nobyembre 2020.

Si Ortañez naman ay anak ni Erwin Ortañez, ang pinuno ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU).

Inilantad din ni Hontiveros ang komunikasyon sa viber na nagpakita ng “list of names of the women to be trafficked out of the country, signed off by a certain “FM”.

Tinukoy ni Alex Chiong, empleyado ng BI na siyang pinagkunan ng impormasyon ni Hontiveros ukol sa raket ng ilang opisyal at kawani ng BI, na ang nabanggit na “FM ay si Fidel Mendoza”.

Si Mendoza ay “right hand man of Red Mariñas”, ang itinurong pinuno ng pastillas gang.

Dati nang itinanggi ni Mariñas sa media ang paratang.

“Mendoza’s name has repeatedly been given by our whistleblowers as one of the suppliers of trafficked women,” ratsada ni Hontiveros.

Kumbinsido ang mambabatas na malakas ang kanyang ebidensiya na ang utak ng human trafficking sa BI ay siya ring nasalikod ng sindikatong pastillas.

“Malinaw na isa na itong ganap na business model kung saan nambubudol sila ng kapwa Pilipino na ipadadala sa ibang bansa para maging alipin. Para sa P50,000 kada Pilipina, nilagay sa panganib ng sarili nating opisyal ang sarili nating kababayan,” paliwanag ni Hontiveros. (NELSON S. BADILLA)

263

Related posts

Leave a Comment