PATONG-PATONG NA KASO SA 10 FRAT MEMBERS

MAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang sampung miyembro ng fraternity na itinuturong sangkot sa hazing sa babaeng menor de edad sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat kay Lipa City Police Station chief Lt. Col. Lory Tarrazona, kabilang sa mga inaresto nina Police Corporals Bernard Bryan Leynes at Davidson Areta sina Alma Lanorio, John James Bordeos,

Patrick Lloyd Aala, Jay-C Antiguerra, Earel Manalo, Angelita Villarin, Christian Cuerdo, Romar Soriano, alias “Ken,” at alias “Kier Vincent” kaugnay sa hazing ng biktimang si “Ellyse”.

Sa salaysay ng biktima, alas-5 ng madaling araw noong Agosto 15 ay sinundo siya ni Antiguerra sa bahay at dinala sa bakanteng lote sa Brgy. Sabang, Lipa City kung saan naghihintay ang tinatayang 20 miyembro ng Alpha Kappa Rho.

Pagsapit ng alas-9 ng umaga ay tinakpan na ng isa sa mga ito ang kanyang mga mata at sinimulan siyang paluin ng paddle.

Bandang alas-12 ng tanghali nang makauwi ang biktima. Napansin umano ng kanyang lola ang mga bakas ng palo kaya ipinagtapat niya rito na sumailalim siya sa initiation rites ng nabanggit na fraternity.

Agad idinulog ng maglola sa pulisya ang insidente na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga ito ang paglabag sa Republic Act 11053 or the Anti-Hazing Law of 2018 at Republic Act 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. (CYRILL QUILO)

208

Related posts

Leave a Comment