GAANO man ka-moderno ang panahon, basta’t may krisis tayong kinakaharap, tiyak na lalabas ang diwa ng Bayanihan.
Ito’y isa sa mga kaugaliang Filipino na patuloy nating maipagmamalaki sa ibang bansa.
Ito rin ang dahilan kung bakit sa kabila ng pandemya ay pinipili ng mga pribadong kumpanya na ipagpatuloy ang mga programa nitong nakatutulong sa mga komunidad.
Isang halimbawa ay ang programang Relocatees and Informal Settlers (RAISE) ng Meralco.
Layunin ng programang ito ang matulungan ang mga komunidad na kapos sa badyet na magkaroon ng serbisyo ng kuryente.
Bahagi ito ng dedikasyon ng Meralco na maghatid ng serbisyo sa lahat ng customer nito, anoman ang estado sa lipunan.
Sa pamamagitan ng programang RAISE ng One Meralco Foundation (OMF), 128 kabahayan ang nabigyan ng serbisyo ng kuryente sa Sitio Pusawan HOA, Brgy. Ususan, Taguig City.
Bago dumating ang programang RAISE, ang komunidad ay umaasa lamang sa submeter.
Ngayong mayroon na silang serbisyo ng kuryente, matatamasa na rin nila ang tamang singil dito na hindi hamak na mas mababa kumpara sa singil noong sila ay naka-submeter.
Ayon sa kuwento ni Ms. Rosalina Quillao, isa sa mga natulungan ng programang RAISE, bumaba ng 87% ang kanilang bayarin sa kuryente kada buwan.
Nitong nakalipas na 10 taon, ang pagtutulungan, sa pagitan ng mga stakeholder at ng mga komunidad na natulungan ng programa, ay nagresulta sa pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente sa 55,000 na kabahayan.
Tinatayang nasa 6,999 na bahay ang matutulungan ng programa ngayong taon.
Bukod sa pagpapailaw sa mga komunidad, tumutulong din ang OMF, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan sa mga miyembro ng komunidad.
Sa ganitong paraan ay nagiging pangmatagalan ang solusyong naibibigay ng programa.
Ayon sa kuwento ni Menchie Arguelles, isang maybahay na natulungan ng programang RAISE sa Sta. Mercedes Ville sa Barangay Patungan, Maragondon, Cavite, siya ay nakatanggap ng sewing machine matapos sumailalim sa training na pinangasiwaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa pamamagitan nito, siya ay nakabibili ng gatas at diaper ng kanyang mga anak mula sa kanyang ekstrang kinikita mula sa pananahi.
Nawa’y hindi maging hadlang ang pandemya sa patuloy na paghahatid ng tulong sa mga komunidad na nangangailangan, lalo na ngayong tayo ay may kinakaharap na krisis pangkalusugan na tiyak na nakakaapekto rin sa pinansyal na kalagayan ng bawat isa.
Nawa’y patuloy nating isabuhay ang diwa ng Bayanihan, may krisis man, o wala.
132