PATUTSADA NI BATO SINOPLA NI DE LIMA

“HINDI kami nananahimik, at lalong hindi kami nagtatago, laban sa karahasan at katiwalian”.

Sagot ito ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima sa patutsada ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nananahimik ang mga Pinklawan at mga komunista sa expose’ ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Si Dela Rosa ay inaakusahan ng netizens na nagtatago dahil hindi na ito nagpapakita sa Senado mula nang isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naglabas na ang International Criminal Court (ICC) ng arrest order laban sa kanya.

Sa social media post ni Dela Rosa, sinabi nito na “tahimik ang Pinklawans & Komunista sa expose ni Zaldy Co. Strategize mula sila how to appear righteous & anti-corruption kuno at the same time prevent the downfall of this gov’t from w/c they benefited a lot”.

Hindi ito pinalagpas ni De Lima na mula sa grupo ng tinaguriang Pinklawan na iginiit na hindi nananahimik ang kanilang grupo at lalong hindi sila nagtatago laban sa karahasan at katiwalian.

Samantala, sinabi ni De Lima na kahit ilang video pa ang ilabas ni Co ay wala itong silbi kung hindi panunumpaan nang personal sa tamang forum at maglabas ng matitibay na ebidensya.

“Ang gusto ng taumbayan: Buong katotohanan. Matitibay na ebidensya para sa malakas na mga kaso; walang paghuhugas ng kamay, walang pinagtatakpan. Walang maitim na agenda. Higit sa lahat, maipakulong sa lalong madaling panahon ang lahat ng sangkot, at maibalik ang mga ninakaw sa kaban ng bayan,” ani De Lima.

Muling iginiit din ng mambabatas sa Kongreso na pagtibayin na ang kanilang panukalang batas sa pagtatatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) na kapalit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para mabigyan ang mga ito na mas malakas na kapangyarihan at imbestigahan ang lahat ng sangkot sa katiwaliang ito.

(BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment