Patutsada sa gimik ng Kongreso TAMANG PASAHOD HINDI AKAP PARA SA MGA OBRERO

DAGDAG na sahod ang kailangan ng mga manggagawang Pinoy, hindi ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Ito ang iginiit ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares dahil hindi inalis sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng P6.352 trillion na nakatakdang lagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Ang AKAP ay pansamantalang solusyon lamang na malamang ay gagamitin pa para sa pamumulitika. Sa halip na magbigay ng P3,000 hanggang P5,000 na one-time ayuda, dapat ay itaas ang sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas na P1,200 kada araw at hindi lang nakaasa sa ayuda,” ayon sa dating mambabatas.

Sa ilalim ng pambansang pondo, P26.159 billion ang inilaan sa AKAP para matulungan umano ang mga manggagawa na hindi sapat ang kanilang kinikita dahil tulad ng mga mahihirap ay kailangan din umano ng mga ito ang direktang tulong sa gobyerno.

Gayunpaman, sinabi ni Colmenares na hindi lahat ng manggagawa lalo na ang mga minimum wage earners ang nakakakuha ng ayudang kumpara sa dagdag na sahod na silang lahat ay makikinabang.

Dahil dito, imbes na gamitin sa ayuda ang nasabing pondo ay ilaan na lamang ito para sa dagdag na sahod, hindi lamang sa pribadong sektor kundi maging sa mga manggagawa sa gobyerno lalo na’t barya ang ibinigay na umento sa mga ito sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) VI. (BERNARD TAGUINOD)

139

Related posts

Leave a Comment