LAOAG CITY, ILOCOS NORTE – – – HINIMOK ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang publiko na kumpletuhin sa kanilang balota sa May 9 elections ang 12 senatoriables ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Sa kickoff rally ng Alyansa sa Laoag City, Ilocos Norte, ipinagmamalaki ni Marcos na walang sinuman sa kanilang mga kandidato ang nasangkot sa war on drugs, katiwalian noong pandemic at pagsuporta sa China laban sa West Philippine Sea.
Ipinagmalaki ni Marcos na tanging Alyansa lamang ang may kumpletong kandidato para sa senatorial elections hindi anya katulad sa ibang partido na nagmamakaawa upang makakuha ng kandidato.
Nagpasaring pa ang Pangulo na sa ilalim ng administration ticket walang bulaang propeta na nang-abuso ng mga babae at kabataan.
“Tignan niyo po ang record ng ating mga kandidato. Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pag bulsa ng sako-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Wala sa kanila ang mga pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang mga huli at bukod pa roon ay inaagaw ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa,” dagdag ng Pangulo.
“Wala po sa kanila ang tilang sakristan ng isang bulaang propeta na nasasadlak dahil sa pagyurak sa ating kabataan at sa ating kababaihan. Wala sa kanila ang taga-taguyod ng pugad ng krimen, ng sentro ng paglalapastangan ng mga kababaihan na mga POGO,” giit pa nya.
Tanong pa ni Marcos sa publiko kung nais ibalik ang bansa sa nakaraan kung saan ibinubugaw ang bansa bilang isang sugalan ng dayuhan o sa landas na umaapaw sa dugo ng mga inosenteng mga bata na inagaw sa kanilang mga ina, kinuha sa kanilang mga tahanan at inagaw ang kanilang kinabukasan.(Dang Samson-Garcia)
