KINUWESTYON ni Senate President Vicente Sotto III ang operasyon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kabilang na ang sinasabing pambu-bully sa PTV 4 personnel na kinalaunan ay nagpakamatay dahil sa pagiging “demoralized, overworked at underpaid.”
Sa pagtalakay sa PCCO proposed 2022 budget, tumanggi ang management ng PTV 4 na sagutin ang tanong ni Sotto sa paliwanag na nais ng magulang ng biktima na huwag nang talakayin ang insidente.
Pinagpaliwanag din ni Sotto ang PCOO hinggil sa mga impormasyon na hindi nagtataas ng sahod ang ahensya sa nakalipas na 15 taon at kung bakit nasa 1,415 ang contract of service personnel gayung marami pa ang bakanteng posisyon.
Sinabi ni PCOO Undersecretary Kristian Ablan na nagsimula na silang punan ang mga bakanteng posisyon at nireregular na ang kanilang mga tauhan na nagseserbisyo sa ahensya simula pa noong 1997.
Samantala, kinuwestyon din ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang 1,000 percent na pagtaas ng bilang ng co-terminus positions sa PCOO proper na mula sa walong co-terminus positions noong 2016 ay naging 83 ito ngayong 2021.
Ipinaliwanag ni Ablan na ang 83 co-terminus position ay nagsisilbing immediate support staff ng PCOO officials at iginiit na ang PCOO proper ay mayroong 54 regular plantilla positions.
Nangako naman si Drilon na isusulong niya ang pagbabawas sa budget ng PCOO dahil sa mga aktibidad na hindi maipaliwanag nang maayos. (DANG SAMSON-GARCIA)
