HIHINTAYIN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hakbang ng Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa desisyon ng Court of Appeals (CA) na alisin sa listahan ng ‘narco-politicians’ si Leyte Representative Vicente Veloso III.
Sa kabila nito, nilinaw ng PDEA, na nirerespeto nila ang naging desisyon ng appellate court.
Nauna nang iniutos ng nasabing sangay ng korte na alisin sa listahan at sirain ang lahat ng mga dokumento, records at impormasyon na nagsasama kay Veloso sa nasabing talaan.
Ang PDEA, bilang isa sa executive arm ng gobyerno, ay nakatali sa pagsunod ng rule of law, pagtiyak pa ng PDEA.
Subalit, ang lahat ng kanilang aksyon ay ipinauubaya sa OSG bilang principal law office at legal defender ng gobyerno.
Sa pag-upo bilang Director General ay agad ipinag-utos ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang pagsasagawa ng ‘validation and adjudication at the regional level of all personalities included in the IDID’.
Tiniyak din ng ahensiya na pinag-aaralan nila nang husto ang mga kasama sa listahan.
Sa inilabas na desisyon ng CA 8th Division na may petsang Hunyo 8, pinagbigyan ang hiniling na writ of habeas data ni Veloso para maalis siya sa ipinalabas ni Pangulong Duterte na listahan ng ‘narco politicians’ sa bansa noong 2019. (JOEL O. AMONGO)
