PDEG BUKAS SA IMBESTIGASYON SA 3 NAPATAY SA BUY-BUST

BUKAS sa imbestigasyon ang Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa kanilang isinagawang buy-bust operation sa Cubao, Quezon City na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong drug suspects.

Nanindigan si PDEG Director BGen. Elmer Ragay na lehitimo ang isinagawa nilang buy-bust operation kahit pa nauwi ito sa madugong engkwentro na ikinamatay ng tatlong umano’y drug suspects.

Aniya, bukas sila sa anomang imbestigasyon, lalo na sa motu proprio inquiry ng Internal Affairs Service upang suriin ang legalidad at proseso ng operasyon.

Sinabi ni Ragay, mula pa noong buwan ng Agosto ay minamanmanan na ng Special Operation Unit 3 ang mga suspek.

Bahagi aniya ito ng target intelligence packet para matiyak na planado at hindi “chamba” ang operasyon.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon na posibleng nais lamang i-set up ng mga suspek ang mga pulis, layong maitakbo ang umano’y droga at mapasakamay ang pera mula sa transaksyon.

Walo sa mga operatiba ang nasa perimeter security sa isinagawang operasyon habang isang team ang aktuwal na nakipag-engkuwentro.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang 10 bricks na nakapaloob sa mga kahon na nang buksan ay may umano’y “noodles” at pulbos na sangkap na kahawig ng droga.

Sa ngayon, hinihintay ng PDEG ang opisyal na resulta sa pagsusuri mula sa PNP Crime Laboratory.

(TOTO NABAJA)

79

Related posts

Leave a Comment