MAHIGIT 2,000 piraso ng pekeng insecticide canisters mula sa China ang nasabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsalakay sa mga tindahan sa Batangas at Laguna kamakailan.
Ayon kay NBI-Intellectual Property Rights Division chief Glenn Ricarte, ang pagsalakay sa siyam na tindahan ay bunsod ng sumbong na lantarang pagbebenta rito ng pekeng insecticides.
Bitbit ang search warrants buhat sa mga korte, pinasok at ininspeksyon ng mga ahente ang mga tindahan.
Dito ay natuklasan at nasamsam ng NBI ang tinatayang P350,000 halaga ng insecticides na ibinibenta sa mga konsyumer.
Sinabi ni Ricarte, madaling maubos ang naturang mga paninda dahil sa mas mura ng kalahati ang benta sa mga ito kumpara sa mga orihinal na insecticides na ginagamit na pampatay ng mga insekto sa loob ng bahay.
Ngunit nag-aalala si Ricarte sa posibleng epekto nito sa kalusugan ng gagamit o epekto sa ibang makalalanghap nito. Maaaring mahina umano ang kemikal nito o kaya naman ay sobra-sobra.
Walang nahuling may-ari ng tindahan ang NBI sa naturang mga operasyon ngunit aalamin nila ang pagkakakilanlan ng mga may-ari ng mga tindahang sinalakay upang masampahan ng kasong paglabag sa Trademark Infringement Act. (RENE CRISOSTOMO)
