PINAGSABIHAN ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang mga tinaguriang “armchair bureaucrats” na layuan at huwag pakialaman ang mga community panty na malaki ang naitutulong sa mga nagugutom na pamilyang Pilipino sa gitna ng pandemya.
Hindi man pinangalanan si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, may pasaring si Defensor sa mungkahi aniya ng isang opisyal ng gobyerno na kailangang kumuha ng barangay, city at municipal permit ang mga nag-oorganisa ng community pantry.
Ginawa ni Defensor ang pahayag matapos imungkahi ng Diño sa isang interview sa radyo na kailangan ng mga community pantry organizer ang permit sa barangay o kaya sa city at municipal hall.
“Sadly, we do have several officials who are so out of touch with the reality on the ground and have apparently become overly accustomed to the office culture,” ani Defensor.
“We are supporting these community pantries because we want to save more households, especially those with children, from involuntary hunger, amid rising joblessness and soaring food prices,” dagdag pa ng vice chairman ng House committee on welfare of children.
Ayon sa mambabatas, kahit delikado sa labas dahil sa COVID-19 ay maraming mamamayan ang sumusugal upang makakain lang ang mga ito at ang kanilang pamilya subalit nang may tutulong ay parang gusto pang pahirapan ang mga nagsasagawa ng charity works.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa local officials na gayahin sina Manila City Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto na sinabihan ang kanilang mga barangay official at mga pulis sa kanilang nasasakupan na huwag pakialaman ang community pantries.
Tiniyak din nina Moreno at Sotto na hindi kailangang kumuha ng permit ang mga community organizer dahil malaki ang naitutulong ng mga ito sa mahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Defensor na 4.2 million ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at karagdagang 7.9 milion naman ang nabawasan ang kita base sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) at base aniya sa survey ng Social Weather Station (SWS), 21.1% sa mga Pilipino ay nagugutom kaya dapat layuan ng “armchair bureaucrats” ang mga community pantry.
Ang tinaguriang armchair bureaucrats ay mga opisyal ng gobyerno na walang pakialam sa reyalidad na nangyayari sa ibaba at lahat ng kanilang kilos at desisyon ay base sa dokumento. (BERNARD TAGUINOD)
