(JULIET PACOT)
INATASAN ng Supreme Court ang Kongreso at si Executive Secretary Lucas Bersamin na magkomento sa loob ng 10 araw para sagutin ang petisyon na humahamon sa legalidad ng 2025 General Appropriations Act o national budget.
Magugunitang kamakailan, nagsampa ng petition for certiorari and prohibition sina dating ES at Senatorial aspirant Atty. Vic Rodriguez, Davao City 3rd district Rep. Isidro Ungab at iba pa.
Pinangalanan naman bilang respondent si ES Bersamin kasama sina Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez.
Sa naturang petisyon, ikinatwiran ng mga petitioner na unconstitutional ang 2025 General Appropriations Act (GAA) dahil sa nadiskubreng bangkong items sa bicameral report.
Gayundin, bigong makapaglaan ng mandatoryong pagpopondo para sa PhilHealth, labag sa batas na pagtaas ng appropriations nang lagpas sa mga rekomendasyon ng Pangulo at pagprayoridad sa imprastraktura kaysa edukasyon.
Nag-ugat ang pagkwestyon sa budget matapos ibunyag ni Cong. Ungab ang nadiskubreng missing amount partikular na sa items sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) at unprogrammed appropriations sa ilang pahina ng bicam report sa inereng Basta Dabawenyo Podcast noong Enero 18, 2025 kasama si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Binanatan din ni Duterte ang mga nakitang blank space dahilan para tawagin nito ang budget na “invalid”.
Kinumpirma naman ni Acting House Appropriations Committee Chairperson Stella Quimbo na mayroon ngang blank items sa bicam report pero nilinaw niyang natukoy rin ang mga ito bago lagdaan ang report.
Samantala, nanindigan naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang blankong pahina sa kanyang nilagdaang 2025 GAA.
7