AYAW itulak ng malalaking pharmaceutical companies ang paggamit ng Ivermectin dahil napakamura ng nasabing gamot na sinasabing mabisa laban sa COVID-19 kaya wala silang kikitain.
Ito ang opinyon ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo na nadagdag sa bilang ng mga mambabatas na sumusuporta sa paggamit ng Ivermectin na sinimulan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
“It seems na wala talagang magpu-push ng Ivermectin dahil wala nang patent at sobrang mura. So we cannot expect the pharma industries to push for it dahil hindi sila kikita,” ani Salo.
Nagkakahalaga lang ang bawat tableta ng Ivermectin ng P35 na malayong-malayo sa Remdesivir na ibinebenta sa halagang P28,000 bawat vial pero ibinaba sa P15,000 nang dumami na ang gumagamit ng Ivermectin.
Dahil dito, sinabi ni Salo na nararapat lamang magsagawa ng clinical trial ang Department of Health (DOH) para malaman kung talagang nakagagamot ang Ivermectin ng COVID-19.
Unang kinalampag ni Defensor ang DOH at Food and Drug Administration (FDA) dahil ibinabaon ng mga ito sa kahirapan ang mga nagkakasakit sa COVID-19 sa pagrereseta ng Remdesivir na pinayagan nilang gamitin sa mga pasyente kahit may babala na rito ang World Health Organization (WHO).
“May sakit na, ibinabaon pa sa kahirapan,” ani Defensor dahil mas pinaboran ng DOH at FDA ang Remdevisir na wala umanong ebidensya na nakagagamot ito sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)
313 