HINDI malayong matulad kay pork barrel queen Janet Napoles ang kapalaran ng mga corporate executives ng kontrobersiyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation, bunsod na rin ng pag-amin ng isa sa mga kasamahan nito sa umano’y garapalang swindling nito sa gobyerno.
Sa isang pahayag, kumbinsido ang dating kaalyado ng administrasyon na si dating House Speaker Pantaleon Alvarez na makukulong din ang mga opisyales ng nasabing kumpanya sa sandaling bumaba na sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon.
Pahiwatig pa ni Alvarez, sentensiyang habambuhay na pagkakulong – tulad ng hatol kay Napoles – ang naghihintay sa mga opisyales ng Pharmally na tiyak aniyang mahaharap sa patung-patong na asunto ng pandarambong.
Nananatiling nakapiit si Napoles makaraang mapatunayang nagkasala kaugnay ng pork barrel scam. Gayunpaman, napawalang sala naman ng korte si Senador Bong Revilla, habang pinahintulutan namang makapaglagak ng piyansa sina dating Senador Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.
“Recent events remind people of the pork-barrel controversy involving Janet Napoles who hijacked the budget process, in cahoots with certain government officials, to the detriment of the public’s welfare. Napoles is presently in jail. It is expected that those involved in the Pharmally controversy will face cases during the next administration,” ani Alvarez.
‘Di aabot sa pangulo
Kumpiyansa naman ang Malakanyang na hindi madadamay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nagpapatuloy na Senate investigation ukol sa ginawang pagbili ng gobyerno sa P8 bilyong halaga ng medical supplies mula sa Pharmally.
“Absolutely not. Wala naman po silang ebidensya na nakukuhang may overpriced,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque nang tanungin kung ang imbestigasyon ay patungo sa pagdamay kay Pangulong Duterte.
“Anong maili-link kay Presidente? Ingay lang po. Desperado manalo sa eleksyon,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Inamin ni Pharmally director Linconn Ong sa Senate probe na ang kumpanya ay nangutang mula kay Michael Yang, dating economic affairs adviser ni Pangulong Duterte.
Noong nakaraang linggo, inamin din ni Pharmally official Krizle Mago na pinakialaman ng mga empleyado ng Pharmally ang expiry dates ng face shield para sa health workers na binili sa kanila ng gobyerno.
Sinabi ni Sec. Roque na ang pag-amin ay hindi sapat para patunayan na ang ginawang pagbili ng pamahalaan ng medical supplies mula sa Pharmally ay may iregularidad.
“Gawain
ng demonyo”
Kaugnay nito, tinawag naman ng isa sa mga opisyal ng Filipino Nurses United (FNU) na ‘gawain ng demonyo’ ang sabwatan umano ng pamahalaan at ng Pharmally.
“Continuing ang nararanasan naming hirap, pagod tapos malalaman namin ang kabulastugan na ginawa, parang devilish act na po yun para sa ‘min lalo pa na recently meron kaming co-doctor na kamamatay lang,” ayon kay FNU- San Lazaro chapter President Janice Pauline Budy.
Partikular na tinukoy nito ang nadiskubre ng Senate Blue Ribbon Committee na bumili ang Procurement Service ng Department of Budget and Management ng face masks sa halagang P27.72 bawat isa at mga malapit nang ma-expire na face shields at test kits.
“Hindi mawala sa isip ko na maraming tinamaan sa hanay namin nurses, mga doctor sa ginawa ng DOH (Department of Health). Kaya talagang nakakagalit, galit na po kami sa panahong ito sa mga ka-demonyohan nila,” ayon pa kay Budy.
Inungkat din niya na hindi pa rin natatanggap ng mga HCW ang kanilang ‘meal accommodation at transportation allowance’ na ipinangako ng pamahalaan. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)
