PIGEON RACING, TAMPOK SA KALAPATI SPORTS

KALAPATI SPORTS Ni KA REX CAYANONG

HINDI maitatatwa na sikat na sikat ngayon ang pigeon ­racing o karera ng kalapati.

Isa ito sa mga paboritong libangan ng mga Pinoy, isang uri ng sports kung saan pinapa­lipad ang espesyal na bihasang kalapati o homing pigeon.

Pagkatapos naman, babalik ito sa kanilang mga tahanan at maingat na sinusukat ang ­distansya.

Siyempre, ang oras na aabutin ng hayop upang masakop ang tinukoy na distansya ay sinusukat habang ang rate ng paglalakbay ng ibon ay kinakalkula at inihahambing sa lahat ng iba pang mga kalapati o kasali sa karera.

Sa ganitong paraan, matutukoy kung aling hayop ang bumalik sa pinakamataas na bilis.

Well, matagal na rin itong umiiral sa bansa at ito ang dahilan kaya marami na ring nahihilig sa pag-aalaga ng kalapati.

Isa lamang si Jon Alegre sa maraming kilalang breeder ng kalapati at kampeon.

Mahusay magpa-ronda ang mama kaya’t hinahangaan siya at ang kanyang mga kalapati dahil sa madalas itong magpanalo sa mga torneo.

Personal na ininterbyu ng bagong segment ng TARGET ON AIR, ang KALAPATI SPORTS, si Alegre para makita ang mga alagang ibon at masilayan na rin ang pinakamagandang racing loft sa bansa.

Ibinida ni Alegre sa inyong lingkod ang mga napanalunan niya sa mga Pigeon Racing Tournaments tulad ng 22nd Philippine Ace Pigeon 2022.

Nangibabaw siya roon sa top 10 overall standings at nag-lap winner sa SDR-Open Category.

Ang isa sa mga hindi ­malilimutang panalo ni Alegre ay nang maghari siya sa PHA 3rd Lap Bulan, Sorsogon, Young Bird category, sa South Derby Race noong nakaraang taon.

Nais ni Alegre na makatulong sa kanyang mga ‘kalapatids’.

Ito raw ang dahilan kaya nagtayo siya ng bagong Racing Club sa San Carlos, Pangasinan, ang ALPFA (Amputi Layag Pangasinan Fanciers Association).

“Napaka-suwerte ng mga taga-San Carlos at karatig-bayan sa Pangasinan dahil ibinabahagi ni Boss Jon Alegre ang mga lahi niyang imported sa mga members ng ALPFA,” masayang sabi ni Reggie Cruz, kaibigan ni Alegre, sa kanyang YouTube Channel.

Bukod sa iba pa niyang accomplishments, aba’y nasilo rin pala ni Alegre ang second, third at fifth place sa PHA 2021 Pio Duran Lap.

Abangan ang iba pang updates ukol sa Kalapati Sports at pigeon racing sa mga susunod pang labas ng pitak na ito.

Ang Kalapati Sports ay matutunghayan sa DZME 1530 AM, Facebook, at YouTube Channel bandang alas-3:00 hanggang alas-4:00 tuwing Biyernes ng hapon.

Maraming salamat po!

520

Related posts

Leave a Comment