PIGILAN ANG PAGTAAS NG MGA KASO NG COVID-19

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

DAPAT tayong magpasalamat dahil patuloy nating ­ini-enjoy ang mas maluwag na ­quarantine restrictions dahil na rin sa mas mababang kaso ng COVID-19 sa bansa at ­maging dito sa Metro Manila.

Pero hindi tayo dapat magpakakampante at sa halip ay dapat na mas maging maingat at sumunod sa itinatakdang health protocols upang hindi na ­muling tumaas ang mga kaso ng ­COVID-19 sa bansa.

Ito ay matapos sabihin ng OCTA Research na medyo nakababahala ang tinatawag na ­”positivity rate” o iyong ­bahagyang pagtaas ng mga kaso partikular dito sa Metro Manila.

Bagama’t nananatili ang Metro Manila sa “low risk classification”, sinabi ni OCTA Research fellow Guido David sa isang ­pahayag na nagtala ang NCR ng 2.2 porsiyentong positivity rate noong nakaraang Miyerkoles, na mas mataas kumpara sa 1.5 ­porsiyento noong sinundang linggo.

Dahil dito, inilarawan ni David na ‘more concerning’ o mas nakababahala ang sitwasyon ngayon kaugnay ng mga kaso ng COVID-19.

“The situation in NCR has become more concerning,” sabi ni David.

Dahil talaga namang ­eksperto na rin si David at ang mga kasamahan niya sa OCTA sa pag-aanalisa ng galaw ng ­bilang ng mga kaso ng ­COVID-19, dapat ay hindi natin dapat balewalain ang kanyang pahayag.

Ang mas nakababahala pa ay ang sinabi niya na bahagyang tumaas din ang reproduction number ng mga kaso sa NCR mula sa 1.15 noong Mayo 31 papunta sa 1.29 nitong Hunyo 6.

Ang kabutihan lang sa mga numerong ito ay nananatiling pasok ang positivity rate ng ­Metro Manila sa tinatawag ng World Health Organization na ‘ideal’ o kaaya-aya, at ibig sabihin ay wala pang malaking rason para mas maghigpit ng quarantine restrictions.

Kaya naman, isang ­malaking hamon sa publiko na gawin ang lahat ng kinakailangang pag-iingat upang hindi na tayo ­muling bumalik sa mas mahigpit na quarantine restrictions.

Bagama’t noong kampanya ay sinabi ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi siya pabor sa mas malawakang lockdown at sa halip ay mas gusto niya ang mas ­istriktong implementasyon ng quarantine measures, ma­inam pa rin na hindi na tumaas ang mga kaso ng COVID -19.

At magagawa lamang natin ito kung makikipagtulungan tayo sa mga awtoridad at ­maging ­disiplinado at sumusunod sa itinatakdang health restrictions gaya ng regular na pagsusuot ng face mask at pag-obserba ng social distancing.

Ito lang kasi ang paraan para sa mas mabilis na ­pagbangon ng ating ekonomiya at sa ganoon ay maging mas maayos at normal na ang ating pang-araw-araw na pamumuhay.

193

Related posts

Leave a Comment