WALANG katapusan sa paghahanap ng mga paraan para maihatid ng Manila Electric Company (Meralco) ang magandang serbisyo sa kanilang mga kostumers.
Sa panayam ng SAKSINGAYON kay Joe Zaldarriaga, Vice President at Head ng Corporate Communications ng Meralco, sinabi niyang nagsasagawa sila ng mga programa para sa kanilang mga konsyumer at kaisa rin sila ng pamahalaan sa nation building.
Patuloy rin ang ginagawa nilang pagpapatatag ng kanilang distribution network, at pag-expand at upgrade ng kanilang pasilidad, para matiyak na masiguro ang maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente para sa mga kustomer.
Ginagawa rin nila ito para masuportahan ang programa ng pamahalaan, kabilang na ang pagpapabuti ng imprastraktura na mahalaga para makabawi pagkatapos nitong pandemya.
“Moving forward, we also support all programs geared towards achieving energy security dito sa bansa,” ani Zaldarriaga.
GOV’T RENEWABLES PROGRAM SUPORTADO NG MERALCO
Inihayag din ni Zaldarriaga na suportado ng Meralco ang itinutulak na paggamit ng renewables bilang alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goals at pinakamahalaga ay para sa preserbasyon ng kalikasan.
Anya, sa katunayan sa pamamagitan ng kanilang mga inisyatiba katulad ng pagtatayo ng 1,500 MW renewable power plants partikular ang solar at wind, pagko-contract ng karagdagang 1,500 MW ng renewable energy, at pagpapaigting ng kanilang green mobility program gamit ang electric vehicles.
Sa usapin ng bayarin ng kuryente, nilinaw ni Ginoong Zaldarriaga na ang ibinabayad sa kanilang electricity bill ay hindi buong napupunta sa Meralco. Sa katunayan, mahigit 50% ng bill ang ibinabayad sa mga suplayer ng kuryente ng Meralco.
Kaugnay nito, binanggit pa niya na hindi sila tumitigil sa paghahanap ng mga paraan upang mapababa ang singil ng kuryente.
Idinagdag pa niya na kapag mataas ang singil ng generation companies para sa suplay, nakikipag-coordinate sila sa kanilang sa mga ito upang ipagpaliban ang ilang porsyento ng generation charges na malaking tulong upang mabawasan ang pasanin ng kanilang mga konsyumer.
Nagsasagawa rin sila ng competitive bidding para sa kanilang mga bagong kontrata, nagko-contract ng suplay mula sa iba’t ibang sources ng kuryente; at tuluy-tuloy sa pangangampanya ng energy efficiency upang tulungan ang kanilang mga kustomer kung paano sila makatitipid sa kanilang pagkonsumo.
SERBISYO NG MERALCO MAS PINABUTI
Kasabay nito, ipinaliwanag din ni Zaldarriaga kung ano ang ginagawa ng Meralco para mas mapabuti pa ang kanilang serbisyo sa mga kustomer, kabilang na ang tuloy-tuloy na pamumuhunan para sa pagpapaganda ng kanilang distribution system.
Noong 2021, kahit kasagsagan ng pandemya ay nag-invest ang Meralco ng P27.5 bilyon para palakasin ang kanilang distribution network, mapunan ang demand ng mga customer, at suportahan ang kanilang mga subsidiary.
Ipinagmalaki rin niya na napaka-efficient din ng serbisyo ng Meralco at naaayon ito sa standards na itinalaga ng ERC.
Maging ang kanilang System Average Interruption Frequency Index (SAIFI) noong 2021 ay umayos nang 6% kumpara noong 2020, samantalang ang kanilang System Average Interruption Duration Index (SAIDI) ay gumanda ng 15%.
Pati ang kanilang average time upang magprocess ng mga application ay nag improve ng 24% noong nakaraang taon kumpara noong 2020, samantalang ang average time upang kumonekta ay mas mabilis ng 5%. Ang kanilang call center performance ay umayos din by 17%.
TULUY-TULOY NA SUPORTA SA CUSTOMERS
Palagi naman silang handa at nakaantabay ang kanilang linecrew at personnel upang rumesponde sa mga oras ng power outages o emergency.
Patuloy rin ang Meralco sa kanilang pag-offer ng mga services para sa kanilang mga kustomer.
Ilan dito, ang inilunsad noong panahon ng pandemya upang padaliin ang pag-reach out sa kanilang mga kustomer, katulad ng Virtual Customer Assistant (VCA), Online Customer Appointment (OCA), bill reminders through text messages, installment payment agreement, (IPA), at pagpapaganda ng kanilang electricity bill upang mas maintindihan ng mga kustomer ang kanilang pagkonsumo.
Bukod dito, nag-invest din ang Meralco sa ICT Command Center, isang state-of-the-art facility na nagsisilbing tagapangasiwa ng Information and Communications Techonology (ICT) systems sa lahat ng opisina ng Meralco.
Inihayag pa ni Zaldarriaga na patuloy rin ang kanilang pag-eenergize ng mga lugar na hindi konektado sa main grid katulad ng mga isla na sakop ng kanilang franchise area, katulad ng Cagbalete sa Mauban, Quezon at Isla Verde sa Batangas.
Nagpapatuloy rin ang Meralco sa paghahanap ng mga kabahayan, komunidad o paaralan sa kanilang franchise area na nangangailangan ng serbisyo ng kuryente.
Sa pamamagitan ng kanilang social development arm, ang One Meralco Foundation, patuloy rin ang kanilang electrification efforts para naman sa mga eskuwelahan at komunidad sa malalayong lugar na walang maayos na serbisyo ng kuryente.
TIPID TIPS NG MERALCO
Nilinaw rin ni Zaldarriaga na karaniwang mas bumababa ang pagkonsumo ng kuryente sa tuwing tag-ulan dahil hindi na rin gaanong nagagamit ang cooling appliances katulad ng air conditioners at refrigerator.
Dahil dito, ipinayo ni Zaldarriaga ang pag-unplug ng mga gadget o appliances kapag hindi ginagamit. Sa paggamit naman ng electric fan at aircon, mahalagang piliin nila ang tamang laki ng appliance na naaangkop sa laki ng kanilang kuwarto.
Malaking tulong din ang paggamit ng mga inverter appliances dahil mas energy efficient ang mga ito kumpara sa mga conventional appliances, pati na rin ang paggamit ng mga LED lights kumpara sa mga conventional light bulbs.
eSAKAY SUPORTADO RIN NG MERALCO
Binanggit pa ni Zaldarriaga na sa pamamagitan ng kanilang subsidiary, eSakay, kaisa rin ang Meralco sa pagtulak sa mas malinis na sistema ng transportasyon gamit ang mga electric vehicle.
Anya, kumpara sa mga conventional vehicle, ang mga EV ay mas malinis dahil hindi ito naglalabas ng mga nakalalason na mga substance na maaaring makasira ng kalikasan.
Suportado rin ng Meralco ang hangarin ng Department of Energy na itaas ang adoption ng renewable enegry. (JOEL O. AMONGO)
496