NANATILI ang Pilipinas sa ikapitong puwesto sa loob ng labinlimang taon sa worst country for journalists’, ayon sa ulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ).
Ayon sa nasabing journalist watchdog, nasa ika-pitong pwesto pa rin ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang bigong mapanagot ang mga suspek sa pagpatay sa mga journalist.
Batay sa 2022 Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists (CPJ), 15 taon nang nasa kanilang index ang Pilipinas kasama ang mga bansang Somalia, Syria, South Sudan, Afghanistan, Iraq, Mexico, Brazil, Pakistan, at India. Ngayong taon ay napasama ang Myanmar sa listahan.
Sa ulat na inilabas noong Martes, nakasaad na mayroong 14 na hindi naresolbang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa.
Dagdag nito, may pangamba rin na magpapatuloy ang kultura ng karahasan at impunity kasunod na rin ng mga pinakahuling kaso ng pagpatay kina Percy Lapid at Renato Blanco.
Samantala, sa ika-walong sunod na taon ay nanguna ang Somalia habang nasa 8th spot ang Myanmar.
Batay pa sa pag-aaral ng CPJ, walang naparurusahan sa halos 80% ng 263 media killings sa buong mundo sa nakalipas na sampung taon.
Sinasabi ring nasa halos 90% ng kasong pagpatay sa mga mamamahayag sa buong mundo ang hindi pa nareresolba batay sa inilabas na ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa pagdiriwang ng International Day to End Impunity for Crimes against Journalists.
Ayon kay UNESCO Director General Audrey Azoulay, “shockingly high” ang mataas pa rin na bilang ng journalist killings sa buong mundo.
Kaya naman, kinalampag ni Azoulay ang mga gobyerno na puspusan ang gawing pagkilos para matiyak na maimbestigahan ang mga pagpaslang sa mga mamamahayag at matukoy at mapanagot agad ang mga nasa likod ng krimen.
Pahayag pa ni Azoulay, hindi mapoprotektahan ang Freedom of Expression kung nananatiling mataas ang bilang ng mga hindi pa nareresolbang kaso ng pagpatay sa mga journalist. (JESSE KABEL RUIZ)
