(BERNARD TAGUINOD)
PANG-IWAS pusoy ang panawagan ni dating Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y Senator Christopher Lawrence “Bong” Go kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na magsakripisyo na at mag-resign sa puwesto.
Ganito inilarawan ni House deputy minority leader Carlos Zarate ang panawagan ni Go kay Duque lalo na’t lumilinaw ang koneksyon nito at ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) Usec. Lloyd Christopher Lao.
“Sen. Go’s move urging DOH Sec. Francisco Duque to do a supposed ‘supreme sacrifice’ to resign may just be a ploy to divert attention and accountability away from Pres. Duterte and his administration’s links to the questionable transactions of the Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM), headed by then Usec. Christopher Lao,” ani Zarate.
Si Lao ang pinuno ng DBM-PS na siyang namili ng mga overpriced na personal protective equipment sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na nagkakahalaga ng P8.68 billion.
“Bakit ngayon lang? Ang tagal nang nananawagan ng maraming sektor para magbitiw si Sec. Duque dahil sa kanyang kapalpakan in handling sa COVID-19 pandemic at mga isyu ng korapsyon sa kanyang ahensya. Pero, sa halip na tugunan ito, pilit pa rin siyang pinagtatakpan at ipinagtatanggol ni Pres. Duterte,” ayon sa mambabatas.
Sa isang pagdinig sa Kamara, inamin ni Lao na ang kinabibilangan nitong Presidential Management Staff (PMS) ay nasa ilalim ng SAP na dating pinamumunuan ni Go bago ito naging senador.
“Hindi natin masisisi ang mamamayan na isiping ginagawa lang ang panawagan na magbitiw na si Sec. Duque ngayon dahil nauungkat na ang kaugnayan ng administrasyon ni Pres. Duterte sa mga katiwaliang umaalingasaw na sa ngayon na kinasasangkutan ng mga kaalyado at mga tagasuporta nito,” dagdag pa ng mambabatas.
Ginawa ni Zarate ang pahayag dahil lumalabas na ang isa sa mga opisyales ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ay si Michael Yang na dating economic adviser ni Pangulong Duterte.
Labis na ipinagtataka ng mga mambabatas lalo na sa Senado kung bakit sa Pharmally Pharmaceutical Corporation bumili ng mga PPE si Lao gayung ang paid-up capital nito ay P625,000 lamang at nagsimula lamang noong 2019.
176 