PINAS GINAWANG WASHING MACHINE NG CHINESE – SOLON; AMLA ‘INUTIL’ SA DIRTY MONEY

drilon4

DISMAYADO si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa impormasyon na sa kabila ng implementasyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA), nagsisilbi pa ring “washing machine” ng dirty money ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Dahil dito, muling iginiit ni Drilon ang kanyang panawagan para sa pagsasara ng mga POGO sa bansa.
“Ginagawa tayong labandera. Yung ating banking system, financial system in general, ay ginagawang washing machine kung saan yung maruruming pera na kung saan-saang panig ng mundo nanggaling ay dinadala dito bansa at ipapasok sa casino o bangko o kung saan man at paglabas ay malinis na,” saad ni Drilon.

Ginawa ni Drilon ang pahayag makaraang ibunyag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na simula noong September 2019 hanggang noong isang buwan, nasa $447 million na suspiscious money ang nailusot papasok sa Pilipinas ng karamihan ay Chinese nationals.

Hinikayat din ni Drilon ang kanyang mga kasamahan na suriin nang maigi ang isyu at ikonsidera ang paglalabas ng stand ng Senado para sa pagpapasara ng mga POGO.

HINAHANTING

Pinaghahanap na ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang nagdala ng bilyong dolyar sa Pilipinas upang malaman kung saan nila ito ginamit.

Ito ang napagkasunduan sa Executive Session sa Kamara kaugnay ng $1.02 Billion na ipinasok umano ng may 1,000 dayuhan na karamihan ay mga Chinese national noong nakaraang taon.

“Binigyan namin ng instruction  na lahat ng mga pangalan na minention po, nung Bureau of Customs, intelligence group eh ibigay nila sa sa BID at NBI para hanapin po,” ani Albay Rep. Joey Salceda.

Ayon kay Salceda, kailangang matanong ang mga nagdala ng pera kung saan galing ang kanilang bitbit ng dolyares na ayon sa mambabatas ay umaabot sa $1.02 Billion o mahigit P50 Billion.

ESCORT

Bukod sa mga nagdala ng pera, kinikilala na rin umano ng mga otoridad ang mga nag-escort sa mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil inilalagay ng mga ito sa alanganing sitwasyon ang sariling bansa.

“Pinapatingnan namin ito… yung mga tinatawag po na escorted na pagpasok ng pera. Bakit nagpapa-escort ka, kasi ayaw mo i-declare,” ayon pa kay Salceda.

BATID NG DOF

Samantala, hindi umano lingid sa kaalaman ng Department of Finance (DoF) ang bilyong dolyar na ipinasok ng mga Chinese national sa bansa  mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero ng taong ito.

Sinabi ni  Department of Finance Asec. Tony Lambino sa Economic Briefing sa New Executive Building (NEB), Malakanyang, na ini-report na ng Bureau of Customs (BoC) kay Finance chief and economist Carlos G. Dominguez III at sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang nasabing insidente.

Aalamin na lang aniya nila sa AMLC kung ano ang aksyon na ginawa nito.

Kaugnay nito, sinabi ni Asec. Lambino na hindi ilegal ang pagpapasok na ito ng pera sa Pilipinas.

Ang katwiran niya ay wala naman kasing batas na ipinasa ang Kongreso para salungatin ang ganitong uri ng transaksyon. Ang kailangan lamang aniya ay ideklara upang malayang maipasok ito sa bansa.

Ang pangalawang punto aniya ay nais nilang i-trace o tuntunin kung saan napupunta at saan nagagamit ang nasabing pera.

Matatandaang, may dalawang taon na ang nakalilipas ay isinama ng DoF sa draft version ng TRAIN Law ang pag-alis ng absolute bank secrecy.

Iyon nga lamang aniya ay natanggal ito nang dumaan na sa legislative process.

Kaya posible, ani Lambino na muli nila itong ipanukala para sa mga kaso ng tax fraud o iba pang nefarious activity para matunton ang pera. DANG SAMSON-GARCIA, NOEL ABUEL, BERNARD TAGUINOD, CHRISTIAN  DALE

129

Related posts

Leave a Comment